PINOY GM SO, MAKINANG ANG ATAKE SA GIBRALTAR


IPINOSTE ni Pinoy Grandmaster Wesley So ang tatlong panalo at isang draw upang mapanatiling makinang ang kanyang paglalakbay para sa korona ng pinakamalaking Open Tournament sa mundo na tinatawag na Gibraltar International Chess sa Gibraltar.
Sa kompetisyong umakit ng 150 chessers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig, humugot ng mga puntos si So, 25-anyos na tubong Cavite at kamakailan ay nanguna sa isang 105-boards chess simul sa South Africa sa pamamagitan ng panalo laban kina GM Sebastien Maze (France, round 4), GM Daniel Sadzikowski (Poland, round 2) at International Master John Pigott (England, round 1) sa hatian ng puntos sa harap ng hamon ni German GM Rasmus Svane noong round 3.
Ang naipong 3.5 puntos ni So, isang dating Philippine chess king at may rating na 2765 at kalahating puntos lang ang layo kay 6th seed at tumatrangkong si GM David Navarra ng Czech Republic. Maghaharap sa round 5 sina So at Navarra para pag-awayan ang liderato ng paligsahang magkakaloob ng £25,000, £20,000 at £15,000 sa tatlong chessers na makakapasok sa podium.
Ang mga bigating chessers na sina FIDE World Cup king at topseed GM Levon Aronian (rating: 2767) ng Armenia, French GM Maxime Vachiere Lagrave (rating: 2780), World Speed Chess titlist GM Hikaru Nakamura (rating:2749) mula sa USA, pambato ng Vietnam na si GM Liem Le Quang at GM Yangyi Yu (rating:2764) ng China ay hindi makabuwelo at nakapako pa sa labas ng top 10. (Eddie M. Paez, Jr.)





Comments