Kapakanan ng kabataan, tunay bang pinahahalagahan ng pamahalaan?

ANO ang nangyayari sa Senate hearings? Tunay bang pinahahalagahan ang pananaw at posisyon ng iba’t ibang sektor na iniimbitahan para tumulong sa pagsusuri ng anumang panukalang-batas upang makita ang lakas at kahinaan nito?
Ang pinag-usapan sa Senate hearing noong nakaraang Biyernes ay ang kontrobersiyal na pagbaba ng Minimum Age of Criminal Responsibility o MACR. Maraming ekspertong dumalo — psychologists, psychiatrists, representative mula sa DSWD, DILG, PNP, BJMP, PAYO at CHR. Dumalo rin ang mga kinatawan ng Civil Society tulad nina Mae ‘Juan Change’ Paner, Cherry Pie Picache, Mark Guingona, Marc Joseph Alejo ng World Vision at marami pang iba.
Maraming sinabing maganda ang chairman ng Justice Committee ng Senado na si Sen. Dick Gordon. Paulit-ulit nitong sinabing ang kahalagahan ng kabataan na ang mga ito ang kinabukasan ng bayan at dahil dito kailangan silang protektahan, suportahan at arugain ng pamahalaan.
Ayon sa kanya, hindi mahalaga ang edad, ‘ika nga, “age is just a number”. Ang mahalaga ay ang programang sumusuporta sa mga pangangailangan ng mga bata. “We should put our money where our mouth is”, dagdag pa nito.
Tinatanong niya kung mayroon na bang “nakulong” na kabataan dahil sa nasentensiyahan. Nasa detention ang mga kabataan, pero hindi nasesentensiyan ang mga ito.
Nagtagal ang talakayan sa Bahay Pag-asa o ang Youth Rehab Center na kailangang itayo sa bawat lalawigan. Iginiit din ni Gordon na dapat dagdagan ang 63 Bahay Pag-asa hanggang sa dumating ito sa kinakailangang bilang na 115.
Nabanggit din nitong ang mismong pagtutol ng miyembro ng kanyang pamilya sa pagbaba ng MACR sa 9-anyos. Paulit-ulit ang pagbanggit niya ng pagtutol sa panukalang ibaba ang MACR. Sa kabila ng mga sinabi nito at ng mga “resource person”, hindi pa rin malinaw kung anong edad ang kanyang itinutulak.
Ngunit, noong malapit nang matapos ang Senate hearing, pagkatapos ng mahabang paliwanag at komentaryo, nabanggit ng senador na dapat 12 taong gulang ang MACR. Maraming nagulat sa sumunod na sinabi ito ng senador, pagkatapos idiin ni Senadora Rissa Hontiveros ang edad 15 dahil hindi raw problema ang batas kundi ang implementasyon nito.
Nasabi ni Sen. Gordon na ayos na raw ang 12 taon bilang Minimum Age of Criminal Responsibility.
Ano ang nangyari sa naturang “experts advise” ng maraming inimbitahang sektor? Tila biro lang ang lahat at pinaasa lang tayo dahil buo na pala ang isipan nito.
Nakalulungkot dahil tila 12 senador ang buo na ang isipan na itulak ang 12 bilang Minimum Age of Criminal Responsibility. Totoo kayang pinag-aralan ng 12 senador ang panukalang-batas na galing sa Kongreso o naghihintay na lang sila ng sasabihin ng Malacañang? Sino ang higit na mahalaga, ang mga bata na kailangang ipagtanggol o ang sasabihin ng pangulo, hindi ba, ang mga bata ang higit na mahalaga?





Comments