Kampanya tungkol sa jaywalking, wa’ epek sa mga Pinoy, hays!

HINDI tayo makapaniwala sa nabasa natin. Isang Pilipinang kasambahay sa Hong Kong ang namultahan ng HK$300 o halos dalawang libong piso dahil nabangga ng pampublikong bus. Tama ang nabasa ninyo, na ang nabangga ng bus habang tumatawid ng kalsada ang pinagmulta ng korte. Hindi ba, ang iisipin natin, dapat ang kumpanya ng bus ang nagbayad ng danyos sa tumatawid? Eh, hindi sa Pilipinas naganap ang insidente at batay sa batas sa Hong Kong, kapag kumukurap na ang ilaw para sa mga tumatawid, hindi na dapat magpumilit pa at maghintay na lang ng susunod na pagkakataong makatawid. “Pedestrian negligence” daw ang tawag sa paglabag ng tumawid. Ang depensa ng kasambahay ay “berde pa naman ang ilaw”.
Sa Pilipinas, ba ay may ganyang batas? Ilang kampanya kontra jaywalking ang inilunsad ng MMDA, pero wala pa rin. May mga overpass, pero wala pa rin, sa kalsada pa rin tumatawid. Marami pa rin ang tumatawid na wala sa tamang oras. Kapag nabangga ng sasakyan, kahit gaano pa kamali ang tumatawid, kasalanan ng motorista, hindi ba? Hindi lang mga tumatawid sa kalsada ang may problema sa mga batas. Marami r’yan ang mahilig sumalubong o mag-counter flow. Siguro sa gobyerno nagtatrabaho, may kilalang opisyal o pulitiko. Walang pakialam kung may pulis o wala. Pinagbibigyan naman ng pulis kapag nagpakilala ang motorista. Kaya hindi tayo matutulad sa Hong Kong dahil ang simpleng batas sa kalsada ay hindi natin kayang sundin.
◘◘◘
Ito pa ang hindi kapani-paniwalang insidente. Isang pamilya ang pinababa mula sa pampasaherong eroplano sa Miami, Florida, dahil nangamoy umano sila. Maraming pasahero ang nagreklamo sa amoy at sila ang itinuturo. Nagtaka at nagalit ang padre de- pamilya dahil wala naman daw silang amoy, pero kung nasanay na sila sa kanilang amoy at ibang tao ang nakapapansin, malamang ay nangangamoy nga sila. Hindi ba, nakahihiya ‘yun?
Puwede palang gawin ‘yan sa pampasaherong eroplano. Kapag nangamoy ang pasahero na hindi dahil sa kondisyong medikal, puwede silang pababain. Hindi natin alam kung nangyari na ‘yan sa Pilipinas. Ang iba’t ibang tao sa mundo ay may kani-kanyang “amoy”, ‘ika nga, maliban sa mga kundisyon na talagang magkakalat ng masamang amoy. Alam natin ‘yan. Kung hindi tayo sanay sa kanilang amoy, malamang pupunahin natin. Kapag naamoy natin sa eroplano at wala tayong matakbuhan, sigurado magrereklamo tayo. Kaya siguraduhing nakaligo at nagsabon nang husto, bago bumiyahe.





Comments