Empleyadong pinapipirma ng maternity reimbursement kahit wala pang natatanggap na maternity benefit
- BULGAR

- Jan 27, 2019
- 2 min read
Dear SSS,
Magandang araw! Nanganak ako last year ngunit, hanggang ngayon, hindi ko pa rin natatanggap ang maternity benefit ko. Ang ipinagtataka ko, pinapipirmahan sa akin ng employer ko ang maternity reimbursement. Dapat ko ba itong pirmahan? — Malou Dimaano ng San Juan City
Sagot
Para sa inyong katanungan, Ms. Malou, hindi ninyo dapat pirmahan ang maternity reimbursement application form o anumang kasulatan hangga’t hindi ninyo natatanggap ang benepisyong dapat ipauna ng inyong employer.
Ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash benefit na ipinagkakaloob sa babaeng miyembro na nanganak o nakunan. Ang babaeng miyembro ay kinakailangang nakapagbayad ng hindi bababa sa tatlong (3) buwanang kontribusyon sa loob ng huling labindalawang (12) buwan bago ang semestre ng kanyang panganganak o pagkakunan.
Sa ilalim ng SSS maternity benefit, pinauunang bayaran ng employer ang benepisyo ng kanyang empleyado. Ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form. Sa nasabing form ay isesertipika ng empleyado na naipauna na ng employer ang benepisyo sa kanya. Kaya kung hindi pa paunang naibayad ang maternity benefit, huwag pirmahan ang form, bagkus, dapat i-report ito sa SSS upang maituro sa employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng maternity benefit.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito, na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments