Babala sa madalas kinakapos ng hininga!

Dear Doc. Shane,
May diabetes at alta-presyon ang tatay ko kaso hindi pa rin ito tumitigil sa paninigarilyo. Ang madalas nitong reklamo ay hirap daw siyang huminga, lalo na kapag hapon. Ayaw niyang magpa-check-up dahil dagdag-gastos lang daw. Nag-aalala kami sa kanya dahil siya ay 59 years old na, gayunman, may nakapagsabi sa amin na ito raw ay atherosclerosis. Totoo ba ito? — Mair
Sagot
Ang malalang hirap sa paghinga o chronic dyspnea ay tatagal ng mahigit isang buwan ngunit, depende sa tugon ng katawan. Kadalasan, ang dyspnea ay epekto ng hika, sakit sa puso at myocardial ischemia (kawalan ng oxygen nang dahil sa pagbabara ng arterya), sakit sa baga, pneumonia at psychogenic.
Ang pagkakaroon ng mataas na cholesterol ay maaaring humantong sa atherosclerosis. Ang atherosclerosis ay posibleng humantong sa sakit sa puso, atake sa puso, stroke at problema sa sirkulasyon na tinatawag na peripheral vascular disease.
Kapag ito ay umaatake, napababagal nito ang daloy ng dugo sa puso dahil sa pagkabuo ng plaque at pagkakaroon ng coronary heart disease
Narito ang mga sintomas ng atherosclerosis:
Paninikip ng dibdib
Hirap sa paghinga
Madaling mapagod
Pakiramdam na may kumikirot o may tumutusok sa parte ng puso
Narito ang mga dapat gawin para maiwasan ito:
Iwasan ang madalas na paninigarilyo.
Ugaliing uminom ng maraming tubig.
Sikaping magkroon ng sapat na tulog.
Ugaliing kumain ng masusustansiyang pagkain.
Kontrolin ang sarili sa pagkain ng mga fatty food.
Gayunman, pinakamabuti pa ring gawin ang magpakonsulta sa doktor, lalo na kung madalas nararanasan ang mga nabanggit na sintomas upang mabigyan ito ng karagdagang payo at maresetahan ng gamot para sa maintenance nito. Habang tumatanda at mayroong hindi magandang lifestyle, posibleng magkaroon ito ng malalang sakit na maaaring mauwi sa kamatayan kung hindi maaagapan.





Comments