INJURED SINA ROSARIO AT ALMAZAN, INIRESERBA NI GUIAO SI T. RAVENA


KAHIT walang katiyakan, para kay Thirdy Ravena isang malaking karangalan ang bibihirang pagkakataon na maimbita upang makasama sa pool ng Philippine Men’s National Basketball Team na naghahanda para sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
“It’s a great honor na ma-lineup sa national team,” pahayag ni Ravena na isa sa 23 for 2023 Gilas cadet kaya malaki ang pasasalamat niya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ni national coach Yeng Guiao.
Noong nakaraang Enero 15, isiniwalat na ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang bumubuo sa 14-man pool member. Sa nasabing listahan ay kasama sana si Ravena, ngunit hindi nila nagawa dahil wala pa itong clearance mula sa Ateneo.
Subalit kung ang kanyang coach na si Tab Baldwin ang tatanungin, wala siyang nakikitang problema dito dahil naniniwala siyang makatutulong pa ito kay Ravena. “Where there’s priority for the national team, it’s important that players can be available. We support that,” wika ni Baldwin. “I don’t know if the decision has been made by Father Jett Villarin – school president because they will have to work the academic issues. But from a basketball standpoint, we support that. I’m happy for him.”
Ngunit kaparis ng sinabi ni Guiao, si Ravena ay nagsisilbing back-up para sa mga injured na miyembro ng pool na sina Troy Rosario at Raymund Almazan. Kasalukuyang nagpapagaling si Rosario ng injury sa kanyang ilong habang may iniinda si Almazan na sprained ankle. Gayunman, ayon kay Guiao ay hindi naman posible na mapasama ang 2-time UAAP Finals MVP sa final line-up ng Gilas sa sixth window ng World Cup qualifiers kontra Qatar sa Pebrero 21 at Kazakhstan sa Pebrero 24. (VA)





Comments