“Kuwentong turismo”, solusyon para madagdagan ang turista sa bansa

PROMOSYON ng Pilipinas, magagandang tanawin at destinasyon? Idaan natin ‘yan sa kuwento.
Tama, ito ang suhestiyon natin para hindi tayo matalo sa tourist arrivals at pumatas tayo sa mga karatig-bansa pagdating sa turismo.
Siguro naman, marami sa atin, dumaan din sa pagkahilig sa kuwento ng ating lola o nanay n’ung mga bata pa tayo.
Hindi ba, kapag nagkukuwento ang lola o nanay natin, nakatutok tayo at bawat salita, iginuguhit natin sa ating isip?
Kumbaga, kapag sinabi sa kuwento na may napakagandang prinsesa, ini-imagine natin ‘yung mukha na maganda.
Kung ipalalaganap natin sa buong mundo ang kagandahan ng ating bansa sa pamamagitan ng pagkuwento na idaraan sa mga patalastas, telebisyon at babasahin, makukuha natin ang interes ng mga turista, partikular ng mga dayuhang ginagawang libangan ang paglalakbay.
Nitong nakaraang linggo, lumusot na sa Senado ang P3.377 bilyon budget ng Department of Tourism.
Sana, magamit nila ang pondong ‘yan sa mga programang tiyak na makapagpapataas sa promosyon ng bansa sa aspetong pangturismo.
Isa sa tourism problema natin, ‘yung kakulangan ng promosyon. Sa totoo lang, kumpara sa sikat na Bali Beach ng Indonesia, malayong mas maganda ang Boracay Island.
Kahit ang ating mga dalampasigan sa Aurora, malayong mas maganda at malinis, pero, bakit nga ba hindi sila kasing-sikat ng Bali?
Kulang sa promosyon — hindi “maibenta”, pero ang Bali, solid ang promotion! Kahit ang mga kababayan nating Pinoy, nadadalas doon. Nakalulungkot dahil noong 2017, base sa datos ng World Bank, mayroon lamang tayong 5.361 milyong tourist arrivals.
Noong taon ding ‘yun, nakapagtala ang Thailand ng 29.923 million tourist arrivals; ang Malaysia, 25.721 million; ang Singapore 12.051 million; ang Indonesia 10.407 million at 7.944 million ang Vietnam.
Hiling natin sa DOT, gumawa ng kaukulang hakbang para lumakas ang ating turismo at ang tourist destinations.
Sana, huwag din nilang kalimutan sa promosyon ang malalayong probinsiya natin na nagtataglay ng kakaibang ganda.
Nariyan ang Sorsogon, Leyte, Negros Oriental, Zamboanga, Catanduanes at Siquijor.
Napakaganda ng mga lugar na ito at sakaling mapalakas natin ang kanilang turismo, hindi lamang ito ang naiaangat natin kundi, partikular nating matutulungan ang kanilang ekonomiya at makalilikha pa tayo ng maraming trabaho.





Comments