Hirit ng ilang empleyado: Oras ng trabaho, bawasan!

MAGANDANG balita para sa mga empleyado dahil tatalakayin na sa Senado ang panukalang-batas hinggil sa “flexible” working hours na magpapairal sa mas mababang oras na pagtatrabaho kada araw.
Sa kasalukuyan, kinakailangang magtrabaho ng 8 oras sa isang araw ang bawat manggagawa sa bansa kaya layon ng batas na amyendahan ang Article 83 ng Labor Code na naglilimita sa working hours.
Kung sakaling maaaprubahan ang nasabing batas tiyak na maraming empleyado ang makikinabang dahil maituturing na itong pangangailangan at hindi na lamang kagustuhan.
Halimbawa, sa mga single parent na kinakailangang maglaan ng oras para sa kanilang mga anak kung saan mas matututukan nila ang mga ito nang sa gayun ay hindi magrebelde o maligaw ng landas habang sa ibang mga empleyado naman na hindi sapat ang kinikita sa kanilang regular na trabaho, magkakaroon sila ng tsansa na makahanap ng part time job tulad ng pagtitinda atbp. para matustusan nila ang ilan pang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Gayunman, nakabase pa rin sa mga kumpanya kung sasang-ayon sila sa ganitong sistema, lalo na kung makaaapekto ito para sa kanila.
Samantala, kung sakaling maaprubahan ito, mainam kung ang magiging resulta ay patas para sa mga empleyado, gayundin sa kanilang kumpanyang pinagtatrabahuhan nang sa gayun ay hindi magkaroon ng masamang epekto o gulo sa magkabilang panig.
Dagdag pa rito, ‘ika nga, “time is gold” kaya kung kaya namang mas maraming magawa sa isang araw, bakit hindi natin subukan?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments