Epektib na housing program, alamin!

PANIWALAANG dili.
May presyong P700 lang kada metro-kuwadrado ang lote sa Commonwealth Avenue, Quezon City!
◘◘◘
OO, ibinebenta ng gobyerno ang lote sa National Government Center sa Bgy. Holy Spirit.
Binigyan nila ng pagkakataon ang mga slum dweller sa naturang lugar na bilhin ang naturang mga bakuran!
◘◘◘
IN-CITY housing program ang tawag dito tulad sa shelter program na ipinatupad ni dating Pangulong Marcos.
Kung saan sa nakatirang iskuwater, ibibenta ang mismong lote na kinatitirikan ng kanilang bahay!
◘◘◘
AAYUSIN ang lupain upang magkaroon ng mga kalye para sakaling magkaroon ng sunog ay makapapasok ang mga firetruck.
‘Yan ang epektibong housing program!
◘◘◘
Nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act No. 9207 noong 2003 na direktang nag-uutos na bigyan ng karapatan ang 50,000 squatter families na bilhin ang lote na nasasakop ng National Government Center na may lawak na 422 ektarya.
May commercial value na P50, 000 kada metro-kuwadrado ang naturang lote, pero ibinagsak-presyo para mabili ng mga taga-iskuwater!
◘◘◘
PERO, ayon sa benepisaryo, hindi pa rin nakaligtas sa mga sindikato ang programang ito.
May 8,000 beneficiaries pa rin ang biktima ng pagkabalam dahil sa kaso ng “land grabbing” at kabiguan na isagawa ang “reblocking”!
◘◘◘
KINUMPIRMA ng dating barangay captain sa naturang lugar, magtatayo rin ang gobyerno ng walong medium rise building sa naturang lugar upang maging sentro ng serbisyo.
Magkakaroon dito ng health center, educational facilities at iba pang tanggapan ng gobyerno!
◘◘◘
TINIYAK naman ni HSGMA na maglalaan ng P100 milyon upang matustusan ang pag-aayos ng naturang shelter communities ngayong 2019.
Para sa mabilis at epektibong implementasyon, ang DPWH ang mangangasiwa sa konstruksiyon!
◘◘◘
MAHALAGANG magkaroon ng ganitong klase ng programa ang gobyerno, imbes na itapon ang mahihirap na pamilya sa liblib na lugar.
In-city shelter programa ang kailangan at hindi relocation area!
◘◘◘
TALIWAS sa murang presyo ng lote, ang relocation area sa mga liblib na lugar ay pinalolobo naman ang presyo ng lote nang 1,000 ibayo.
Ang nabili ng P50 kada metro-kuwadrado na mga dating bukirin ay ginagawang 1,000 hanggang P2,000 kada metro-kuwadrado na binibili ng gobyerno.
Sangkatutak na raket sa “purchase ng lote” sa relocation na hindi puwedeng tirahan ng disenteng pamilya!
◘◘◘
SA “IN-CITY” housing program, ang commercial lot ay nakakayang bilhin ng mga benepisaryo sapagkat hindi sila lalayo sa lugar ng kanilang trabaho.
Hindi rin naiistorbo ang pag-aaral ng kanilang mga anak!





Comments