top of page
Matet de leon - FB.jpg

Dahilan kaya kailangang updated ang Member Data Record sa SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 23, 2019
  • 3 min read

NGAYONG Bagong Taon, magandang suriin natin kung tayo ba ay updated sa personal record sa SSS. Isa sa mga responsibilidad ng mga miyembro ng SSS ang pag-update ng kanilang personal record o data. Gaano nga ba ito kahalaga?

Ang pagkakaroon ng maling impormasyon sa inyong personal record ay maaaring magdulot ng problema o antala, lalo na sa pagbibigay ng mga benepisyo, loan at iba pang prebilehiyo.

Ilan sa mga malimit na problema ng ating mga miyembro ay ang hindi pag-update ng kanilang civil status, kung sila ay single pa rin o ikinasal na o nahiwalay na at maging ang listahan ng kanilang mga benepisaryo ay hindi rin updated. Ang bawat impormasyon na nakalagay sa inyong personal record ay sinusuri ng aming mga empleyado sa tuwing kayo ay nakikipagtransaksiyon sa SSS.

Kung mayroon mang pagbabago sa inyong status o impormasyon, madali lamang itong baguhin sa pamamagitan ng pagsagot ng SSS Form E-4 o Member Data Change Request Form at pagsumite ng mga kinakailangang dokumento.

Kung ang miyembro ay ikinasal na, kailangang magdala ng marriage certificate mula sa PSA upang palitan ang status from single to married. Kung mula married to single naman, kailangang magpakita ng certificate of finality of annulment o annotated marriage contract o decree of divorce o certificate of divorce (sa mga miyembrong Muslim) o certificate of no marriage (kung hindi legal ang pagpapakasal sa una). Kung married to legally separated, magdala ng certificate of separation. Kung ang inyong asawa naman ay namatay na, magdala ng death certificate o court declaration of presumptive death naman para sa married to widowed.

Kailangan din siguraduhin na ang inyong mga benepisaryo ay makatatanggap ng mga benepisyong ayon sa kanila. Para naman sa paglista sa asawa bilang bagong benepisaryo, kailangang magpresinta ng marriage certificate. Kung kayo naman ay may dependent na anak, dalhin ang kanyang birth o baptismal certificate.

Kadalasan ay hindi rin tugma ang kanilang pangalan at iba pang impormasyon sa kanilang birth certificate at iba pang civil documents.

Kailangan magsumite ng birth certificate o valid passport.

Kung ang miyembro naman ay gustong mag-update ng kanilang contact information, maaari nila itong gawin sa pamamagitan ng pagrehistro sa My.SSS ng hindi na kinakailangan pang pumunta sa tanggapan ng SSS. Kung kayo ay may rehistradong mobile number o email address sa SSS, maaari kayong makakuha ng mga mensahe tungkol sa inyong kontribusyon at mga bagong programa ng SSS.

Pinaaalalahanan natin ang mga miyembro ng SSS na siguraduhing tama ang impormasyon sa inyong personal record upang maiwasan ang anumang problema sa pakikipagtransaksiyon sa SSS, lalo na sa pagkuha ng inyong mga benepisyo at iba pang mga prebilehiyo.

◘◘◘

Nais naming ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril. Ang programang ito ay naglalayong pagaanin ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programa, na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page