Kaalaman tungkol sa naka-hahawang sakit na Chlamydia
- BULGAR

- Jan 22, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Habang ako ay nagtatrabaho sa barko, mayroon akong nakilalang babae at may nangyari sa amin. Ilang linggo nang ako ay makauwi, nalaman kong may sakit ako. Sa palagay ko ay nakuha ko ito sa babaeng nakilala ko sa barko. Ang masaklap ay nahawahan din ang aking GF. Ang sabi ng doktor, mayroon daw akong chlamydia at niresetahan niya ako ng antibiotic. Nakaiskedyul na ang pagbalik ko ngunit, nababahala ako kung ito ay delikado, gayundin, paano ito maiiwasan bukod sa paggamit ng condom? —Fernan
Sagot Ang chlamydia ay uri ng sexually transmitted disease (STD) o sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Ang mga sintomas nito ay hindi agad napapansin ngunit, hindi ito dapat balewalain.
Sa katunayan, ang chlamydia ay maaaring maging sanhi ng seryoso at permanenteng pinsala sa reproductive system at maaaring maging dahilan ng ectopic pregnancy — nakamamatay na kondisyon.
Ano ang sanhi ng chlamydia? Bacteria ang pangunahing sanhi ng chlamydia na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ayon sa mga dalubhasa, kahit regular ang paggamit ng condom para makaiwas sa chlamydia, kailangan nang isuot ito bago pa man ang skin-to-skin contact. Isuot ito hanggang sa matapos ang pakikipagtalik.
Ano ang sintomas ng chlamydia?
Masakit o mahapding pag-ihi
Masakit ang bandang ibaba ng tiyan (sa mga babae)
Dilaw na discharge sa ari
Sumasakit ang ari kapag nakikipagtalik
Pagdurugo kahit wala pang regla (sa mga babae)
Pagdurugo pagkatapos makipagtalik (sa mga babae)
Pananakit ng puwit
Pamamaga o impeksiyon sa mga mata
Pananakit ng ibabang bahagi ng likod
Lagnat
Pagkahilo
Pananakit at pamamaga ng bayag (sa mga lalaki)
Pamumula, pangangati at pamamaga ng ari
Pamamaga ng lalamunan
Narito ang mga risk factor ng sakit na chlamydia:
Babae o lalaki na aktibo sa pakikipagtalik.
Hindi tama ang paggamit ng condom.
Nakikipagtalik na hindi protektado.
May iba’t ibang katalik.
Kapag hindi ito maipagagamot, posibleng magkaroon ng mga nakamamatay na kondisyon tulad ng:
Cervicitis — pamamaga ng cervix.
Urethritis — pamamaga ng urethra.
Proctitis — pamamaga sa lining ng rectum o puwit.
Pelvic inflammatory disease — impeksiyon na nakaaapekto sa reproductive organs ng kababaihan tulad ng matris, fallopian tubes, kuwelyo ng matris at obaryo.
Pagbubuntis na ectopic — ito ay mapanganib na kondisyon na ang pagbubuntis ay nangyayari sa fallopian tube imbes na sa matris.





Comments