CSB AT ARELLANO, NAKATUON SA FINALS, NCAA WOMEN’S VOLLEY SEMIFINALS


ASAHAN ang mga bakbakang puno ng drama at aksyon sa pagtutuos ng apat sa pinakamahuhusay na koponan sa NCAA Season 94 Women’s Volleyball tournament ngayong Martes (Enero 22) sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City na matutunghayan sa S+A.
Magsisimula ang Final Four sa paghaharap ng kampeon na Arellano University (AU) Lady Chiefs kontra San Beda University (SBU) Lady Red Spikers ng 2 pm, na susundan naman ng banggaan ng top seed na College of Saint Benilde (CSB) Lady Blazers laban sa nasa ika-apat na pwestong University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) Lady Altas ng 4 pm.
Papasok ng Final Four ang CSB, AU, at SBU na pare-parehong may 8-1 na kartada ngunit kinlasipika sa ranggo na 1-2-3 base sa points earned, set quotient, at point quotient, habang kinukumpleto ng Lady Altas ang semifinals sa pagtala ng 6 na panalo kontra 3 talo. Parehong may tangang twice-to-beat advantage ang CSB Lady Blazers at AU Lady Chiefs, na nais tapusin agad ang kanilang mga kalaban sa tulong ng kani-kanilang mga star player na sina Rachel Austero at Necole Ebuen.
Sa loob ng tatlong taon, nakapag-back-to-back na ang Arellano noong Season 92 at 93 habang kinoronahan naman ang CSB noong Season 91. (ATD)





Comments