‘Di lang sa trabaho, zumba at marathon, humahataw... SINGLE MOM NA PALABAN SA BUHAY, KILALANIN

INSPIRASYON ng kanyang mga tinuturuan sa zumba at marathon ang lakas na ibinabahagi ng isang 38-anyos na ina na walang ibang pinaghuhugutan ng tibay ng loob, lakas ng katawan at diskarte sa buhay kundi ang dalawa niyang mga anak.
Bilang isang single mom, ni minsan ay hindi sumagi sa isipan ni Roselle A. Abajo na sukuan na ang buhay dahil sa mag-isang pagharap sa mga pagsubok. “May dalawa po akong anak na lalaki, 15 at 8 yrs old po. Being solo parent, need kong ibalanse ang pagiging ina. Sa trabaho maging sa sports na nagpapatatag sa buong pagkatao ay nagagawa ko pong lahat. Nagpapatibay sa akin iyong mga challenge na hinaharap ko.”
Si Roselle ay B.S. Tourism undergraduate kaya tinitiyaga na ngayon ang mga trabahong hindi naman kalakihan ang kinikita. “May trabaho po naman ako, isa po akong Admin Assistant C, hindi lang malaki ang sahod ko sa pinapasukan kong kumpanya pero kahit paano ay nakapagbibigay pa rin ako sa aking pamilya, pinagkakasya kong lahat, nagsa-sideline ako, benta-benta ng mga pagkain, RTW, networking. Lahat ng alam kong puwedeng pagkakitaan ay ginagawa ko sa malinis na paraan.”
Sa talino at diskarte na rin ni Ms. Abajo ay hindi siya kinukulang sa pagbibigay sa pangangailangan ng pamilya niya. “Pero, may mga time po na nahihirapan na ako dahil ako lang kasi ang tumataguyod sa mga anak ko. Kung minsan sumusuko na. Pero kumakapit ako sa Panginoon na tulungan niya ako sa pagpapalaki ng mga anak ko.”
Habang kailangang itaguyod na mag-isa sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kanyang mga anak, tapang daw ang umiiral kay Roselle. “Dapat po akong maging matapang para sa mga anak ko. Dasal ang lagi kong ginagawa kaya sa awa ng Diyos na provide ko ang kailangan nila na hindi naman marangya, ang may makain kami tatlong beses sa isang araw ay sapat na. Ang ina ay gagawin ang lahat para sa pamilya. Tinuruan ko silang matutong makuntento sa buhay kung ano lang ang mayroon.”
Isang malaking dagok lang na dumating sa buhay niya ay nang ma-diagnose ang kanyang ina na may cervical cancer. “Iyon po ang dahilan kaya nahinto ako sa pag-aaral at kailangan ko siyang alagaan. Biglang huminto ang ikot ng buhay ko noon, mga pangarap ko, hindi ko naabot.” Noong mamatay ang mother ko dahil sa kanyang sakit ay saksi ako sa huling sandali ng buhay niya. Hindi po rin nagtagal ay namatay ang tatay ko, kaya naulila po akong lubos. Kahit na hindi ako lumaki sa piling ng tatay ko, still iba pa rin iyong buhay pa sila. Na-realize ko pa na ako na lang pala mag-isa bubuhay at tataguyod sa mga anak ko.”
Upang malampasan ang mga pagsubok, “Tinanggap na namin agad noong magkasakit ang nanay ko. Nilakasan na lang namin ang loob ng isa’t isa. Sabi ko nga anytime puwede tayong kunin ni Lord. At the end of the day, lahat naman tayo mawawala sa mundo. Tinanggap kong hanggang doon na lang talaga ang pagkawala ng parents ko.”
Higit pang lalo na nagpatibay sa pagkatao at katatagan ni Ms. Roselle sa buhay ay nang mapamahal sa sports na zumba at marathon. “As of last year, halos may 116 full marathons na po ako at ultra marathons. I just recently finished the 100miles Taal Ultramarathon Race noong lang pong second Sunday ng January 2019 na may kabuuang 160km.
“Bukod po sa marathon I am teaching zumba, we call it Zumba Fitness Instructor known as Zin. Zumba is a good cross training for me to keep my endurance in running. Still coordinates into fitness pa rin. If you have a passion sa lahat ng ginawa mo lahat magagawa mo. Dahil po rito ay nagkaroon pa ako ng extra income for my family as a single mom.”
Bilang pagtala na rin sa kasaysayan ng 500-km marathon sa ‘Pinas, si Ms. Abajo rin ang unang babaeng Pinay sa Southeast Asia ang nakatapos ng ganoon kahabang distansiya. “As far as I know, I am the only female who finished the 500km race in Southeast Asia at iyon po ang kauna-unahang pinakamahabang marathon na ginawa sa Southeast Asia na dito sa ‘Pinas idinaos.”
Sa ngayon, pinaghahandaan na ring mabuti ni Ms. Abajo ang pagsabak sa 650-km Zarks ultramarathon kung itutulot ng pagkakataon sa 2020. “Yes, we are planning to have another event history making 650km all over Negros province, pero hindi pa po siya finalize,” excited na pahayag ni Ms. Abajo.
Ang mga pangarap na rin sa buhay na makatapos ng pag-aaral na hindi man niya narating ay may dahilan, “Never stop fighting, strong as ever, may kanya-kanya man tayong mga dagok sa buhay, huwag nating kalimutan na mahal tayo ng Diyos. Ipinagpapasalamat ko sa Kanya ang lahat ng blessings na mayroon ako ngayon.
“Sa readers natin na nais akong maging inspirasyon, ipinapayo ko na dumaan man kayo sa mga mabibigat na pagsubok sa buhay, gagaan ang buhay, magiging positibo kung mas mabuting malulong sa sports kaysa anumang bisyo. Ang ganda ng outlook ko sa buhay, nakukuntento na kami kung ano ang mayroon kami sa ngayon. Mahal ako ng Panginoon, nakaya ko lahat.”





Comments