Pagkakaisa ang kailangan ng bansa para hindi ma-bully ng China

HINDI tama ang pambu-bully. Alam natin ang istorya ng batang bully mula sa kilalang unibersidad ngunit, bata ito, paano kung ang bully ay higateng bansa na may higanteng populasyon at military? Kayang-kaya nitong mam-bully. Ito ang nangyayari ngayon.
Salamat sa patuloy na pagbabantay ni Justice Antonio Carpio na bahagi ng grupong ipinaglaban ang karapatan natin sa West Philippine Sea at naipanalo ito sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Seas), nananatiling buhay ang isyu ng pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Nakadidismaya na iba ang opinyon dito ng pamahalaan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. “Wala tayong magagawa. Wala tayong laban. Masyadong malaki at makapangyarihan ang Tsina.” Ganito ang mga pahayag nang nagsimula nang manakop ng ating mga isla ang dambuhalang bansa. Sa halip na ipaglaban ang integridad ng bansa, hinayaan lang itong manaig at maghari-harian. Makapangyarihan ang Tsina, subalit, may karapatan ba itong ipilit ang kanyang pananaw at interes sa ibang bansa, partikular na sa Pilipinas? Dahil ganito ang pananaw ng lider ng ating bansa, maraming nalilito. Sino ang bully at biktima rito? Sa kasamaang-palad, hindi ang pangulo kundi ang buong bansa ang biktima.
Biktima ang Pilipinas, bully ang Tsina. Sino ang tutulong at magbibigay-proteksiyon sa Pilipinas, sino ang magtutuwid at magpapatigil sa Tsina?
Kamakailan, nang lumabas ang balita na itinuturo sa mga batang estudyante sa Tsina na kanila raw ang West Philippine Sea. Hindi ito ang sinasabi ng UNCLOS. Hindi ito ang ipinaglaban at napanalunan natin. Samakatwid, tinuturuan ng mali ang mga bata maging ang nakatatandang mamamayan ng Tsina. Kung maniniwala ang karamihan ng mga taga-Tsina sa ganitong istorya, magiging bahagi na rin sila sa pambu-bully ng kanilang pamahalaan.
Ayon sa ilang ulat, humigit-kumulang 3.1 milyong Tsino ang pumasok sa Pilipinas upang magtrabaho. Tila hindi nahirapan ang mga Tsino sa kanilang pagpasok sa ating bansa at magkaroon ng mga trabaho rito. Ano ang nangyayari? Noong isang araw, dumaong sa South Harbor ang tatlong warships o barkong pandigma ng Tsina. Sabi sa balita, dumating ito para sa isang “Goodwill Visit.”
Magsasawalambahala lang ba tayo? Hind biro ang mga nangyayari. Kailangang suriin, unawain at ituwid ang katahimikan ng maraming mamamayan sa napakalinaw na pambu-bully ng Tsina.
Tuluyan na bang natakot at nawalan ng lakas ang marami sa usapin nang pambu-bully ng Tsina? Tuluyan na bang nalito at bumigay ang marami sa kahinaan ng mga namumuno?
Suriin natin ang mga nangyayari sa ating bansa. Magkano ang utang ng Estados Unidos sa Tsina? Ano na ang ginagawa ng Tsina sa Sri Langka at sa iba’t ibang bansa ng Africa?
Kailangan nang pigilan ang mga ito sa kanilang ginagawa. Hindi ba, mas magandang tawagin tayong, “kaibigan ng Asia, kaibigan ng mundo?”





Comments