top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Nadiskubreng 26 na uri ng pampasabog, rebelde ang nagtago?! Hmmm...

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 21, 2019
2 min read

DALAWAMPU’T anim na iba’t ibang pampasabog ang nadiskubre sa isang paaralan sa Cabagan, Isabela. Nahukay ang mga delikadong bagay ng mga trabahador sa Delfin Albano High School. Nakalagay ito sa kalawanging drum, gayundin ang mga pampasabog ay halos kinakalawang na nang husto kaya ang hinala ay mga kagamitan ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mabuti na lang at hindi napuruhan ang mga pampasabog. Kung natamaan ng piko o ng mga makinarya ay paniguradong napakalaki ng magiging pinsala nito sa lugar at buhay ng mga tao, lalo na kung may pasok pa noong araw na ‘yun. Hawak na ng mga sundalo ang pampasabog.

Nagtataka lang tayo na kung gamit ito ng mga sundalo noong giyera, bakit kinailangan pang ilagay sa drum at ibaon sa lupa na malinaw ay itinago? Maliban na lang kung itinatago ito ng mga Pilipino noon sa mga Hapon. Hindi kasi malayong isipin na mga rebelde ang nagtago nito para hindi makita ng militar. Anuman ang dahilan, mabuti na lang at ligtas na nakita. May ilang insidente kung saan minalas ang mga trabahador dahil napuruhan ang mga bomba. Marami pang mga bomba ang naibaon na sa lupa sa paglipas ng panahon dahil sa pagkakasangkot ng Pilipinas sa digmaan.

◘◘◘

Hindi pa nalilinawan at natatapos ang isyu tungkol sa nawalang personal na impormasyon na hawak ng DFA, isa na namang paglabag sa seguridad ng malaking kumpanya ang naganap noong Sabado. Ayon sa Cebuana Lhuillier, nasa 900,000 kliyente nila ang apektado sa sinasabing “data breach”. Inasahan ng kumpanya na ang mga detalye ng mga transaksiyon ay hindi apektado. Personal na impormasyon ang maaaring nakompromiso.

Ang pagnakaw ng personal na impormasyon ang target ng mga “cyber-criminal” ngayon. Maaari itong magamit sa hindi magandang intensiyon kaya naibebenta ito. Parte ng transaksiyon ng mga kumpanya ang humihingi ng personal na impormasyon mula sa kanilang mga kliyente at kasama nito ang responsibilidad na pangalagaan ito nang mabuti. Ano na ang nangyari sa problema ng DFA, ligtas nga ba ang impormasyon ng libu-libong passport holder?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page