Kontrobersiyal na kontrata sa paggawa ng passport, nabulgar | Mga personalidad, kumpanya at opisyal
- BULGAR

- Jan 21, 2019
- 4 min read
ISA sa pinakamalaking kaso ng korupsiyon sa ating kasaysayan ay ang iligal na kontrata sa paggawa ng pasaporte na ibinigay sa pribadong kumpanya kahit labag ito sa batas.
P38 bilyon ang pinag-uusapang kita rito. Sa kumpanyang pag-aari ng bilyunaryo mapupunta ang malaking bahagi ng kita sa halip na sa gobyerno na dapat nag-aalaga ng mga impormasyon ng mamamayan na nakasaad sa kanilang mga pasaporte.
Unang pumutok ang isyu nang nadiskubre ng netizens na kailangan nilang magbigay muli ng birth certificate sa Department of Foreign Affairs para makapag-renew ng pasaporte. Noon, maaaring ibalik na lang ang lumang pasaporte at maaari nang bigyan ng bago.
Nabisto tuloy ang “awayan” sa likod ng mga kumpanya at personalidad na sangkot dito sa pagpapagawa ng tinatawag na e-passports. Ang kontrata para rito ay ginawa at pinirmahan noong administrasyon ni ex-P-Noy.
Isang eskandalo ulit mula sa mga dilawan! Napakalaki ng isyung ito tulad ng modus-operandi sa isyu ng MRT3 kung saan pinalitan umano ang matinong maintenance provider upang palitan ng pipitsuging kumpanya para mahawakan ang P5 bilyon kontrata.
Ang maanomalyang kontratra sa pasaporte ay nakuha noong 2014 ng kumpanyang UGEC o ang United General Expression Corp. Ang may-ari raw nito ay ang bilyunaryong si Iñigo Zobel.
Si Zobel, na kaanak ang mga dilawang pamilyang Ayala ng Makati ay pang-11 sa listahan ng pinakamayamang Pilipino. Ang yaman nito ay nagkakahalaga raw ng $2.5 milyon o P131 bilyon — napakaraming pera ng coño! Mayroon din daw investor na may hawak ng 10 porsiyento ng UGEC, ang Haldane Investments, misteryosong kumpanya na nakatago sa Vanuatu. Kay Zobel din kaya ito o pag-aari ng tanyag na pulitiko?
Noong 2017, sa termino ni DFA ex-Secretary Perfecto Yasay, Jr., hiniling daw nito kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagtermino ng kontrata ngunit, hindi naaksiyunan ang hiling ni Yasay hangga’t hindi ito nakumpirma ng Kongreso at napalitan ni Sec. Teodoro Locsin.
Sabi nito, iimbestigahan daw nang husto ang maanomalyang kontrata. Sana, makayanan nito kahit masagasaan niya ang maraming dilawan na dating mga kasama sa gobyerno ni ex-P-Cory.
Bakit iligal ang kontrata ng UGEC? Una, walang public bidding na matinding requirement ng gobyerno sa lahat ng kontratang papasukan nito.
Pangalawa, hindi dapat ibinigay sa pribadong kumpanya ang kontrata sa pag-print ng passport dahil ayon sa batas, tatlong opisina ng gobyerno lang ang maaaring gumawa nito — ang National Printing Office, ang Bangko Sentral ng Pilipinas at ang APO-PU o APO Production Unit.
Pangatlo, peke raw ang joint venture sa pagitan ng UGEC at APO-PU. Saan tayo nakakita ng JV kung saan ang kumpanya (UGEC) ang kumukuha sa 90 porsiyento ng kita?
Mismong Commission on Audit (COA) ang nagsabi na iligal ang JV sa pagitan ng UGEC at APO-PU. Gobyerno raw mismo ang dapat mag-print ng pasaporte, pero hindi sila pinansin ng APO-PU at itinuloy pa rin ang iligal na gawain.
Mahigpit ang COA sa ganitong regulasyon dahil sensitibo ang impormasyon na nasa pasaporte. Malaki ang “security risk” kung mapupunta ito sa kahit sino lamang. Ganito rin ang dahilan kaya ang pag-print ng ating mga pera, documentary stamp at iba pang mahahalagang dokumento ay tanging responsibilidad lang ng tatlong ahensiya ng gobyerno.
Malaking pagkakamali (o sinadya para kumita?) ng APO-PU na ibinigay nito ang kontrata sa pag-print ng passport sa pribadong ahensiya, ang UGEC, sa halip na ito mismo ang gumawa ng trabaho.
‘Ika nga, “something fishy” ang paglipat ng pag-print ng passport mula sa responsibilidad ng BSP na biglang napunta sa APO-PU. Ang dating communications secretary ni ex-P-Noy na si Herminio Coloma, Jr. daw ang naglakad sa DFA na tanggalin ang kontrata ng pag-print ng passport mula sa BSP ay ibigay ito sa APO-PU.
Ibinigay naman daw ng APO-PU ang kontrata sa pag-print ng pasaporte sa kumpanyang walang eksperyensiya sa paggawa ng ganitong klase ng mga dokumento. Ang masama pa, itinakbo raw ng UGEC ang datos ng mga passport holder kaya hindi na makapag-print ng bagong passport ang DFA.
Bakit ipinilit ni Coloma na makuha ang kontrata ng pasaporte mula sa BSP at ibigay ito sa APO-PU? Tandaan, si Coloma na ang tumatayong supervisor ng APO-PU. Nasa ilalim ng kanyang opisina ang Presidential Communications Operations Office (PCOO), ang APO-PU.
May litrato pa umanong lumabas na ibinibigay ni Coloma ang bagong e-passport kay ex-P-Noy. Malinaw na inangkin niya ang trabahong ito.
Ang tanong: Gaano ba kalalim ang pagkakasangkot ni Coloma sa anomalyang ito? Kailangang linawin agad ni Coloma kung ano talaga ang naging papel niya sa iligal na gawaing ito?
Ang iba pang personalidad na tumulong umano na mabuo ang huwad na kontrata sa pagitan ng APO-PU at ng UGEC ay ang mga sumusunod: Si dating Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario na siyang nag-alis ng kontrata ng BSP at ibinigay ito sa APO-PU;
Si dating APO-PU Chairman Milagros Alora at ang board of trustees ng kumpanya na nagtayo ng iligal na JV kasama ng UGEC. Si Alora ay dating assistant press secretary ni ex-P-Cory.
Si dating PCOO Secretary Herminio Coloma, Jr. na siya raw ang kumausap kay Del Rosario para ibigay sa APO-PU ang kontrata para sa e-passport.
Kailan kaya sasagutin ng dilawang opisyales ang tanong ng bayan sa kanila — nakinabang ba kayo sa maanomalyang kontratang ito?





Comments