IGNACIO, MAY TSANSA SA CHINA POOLMASTERS CHAMPIONSHIP

KONTRABIDA ang papel ni Pinoy Jeffrey Ignacio sa mata ng Chinese billiards community matapos itong pumasok sa listahan ng apat na natitirang cue artists na may tsansa pang maging kampeon kasama ang tatlong kinatawan ng punong-abala sa umiigting nang bakbakan sa 7th World Chinese Poolmasters Grand Final sa Qinjuanhdao Olympic Sports Center Stadium sa Hebei Province, China.
Humataw si Ignacio ng dalawa pang panalo kontra sa mga pambato ng China para sa pagpapatuloy ng kampanya niya papunta sa trono.
Tinuruan niya ng leksiyon si Sun Hongrui, 13-5, bago niya naungusan si Wang Dashuang, 12-11, para irehistro ang kanyang pampitong panalo sa walong laban.
Bukod sa isang pagkatalong natikman sa kamay ng Intsik na si Wan Tongle nang masingitan siya nito (12-13), umuusok si Ignacio at kitang-kita ito nang sagasaan niya sina Phone Myint Kyaw (13-7; Burma), Tang Chunxiao (12-11; China), Jorge Llanos (13-4, Argentina), Ameur Abdelati Riad (13-3; Morocco) at Xi Hongyu (13-6, China).
Apat na laro na lang ang natitira sa paligsahang magkakaloob ng USD 147, 518 (RMB 1,000,000) at isang tropeo sa magkakampeon at USD 44,255 (RMB 300,000) para sa papangalawa. Bukod kay Ignacio, nasa kasagsagan pa rin ng labanan sina Chinese aces Wang Yun, Yang Fan at Yu Haitao.
Si Haitao ang susunod na haharapin ng Pinoy.
May 64 na piling bilyarista ang nagsimula sa torneo pero kasama sa mga nag-empake na ang mga kilalang personalidad tulad nina Shane Van Boening, Jeffrey De Luna, one time Chinese 8-Ball king Gareth Potts ng England at ang mga Intsik na sina World Chinese 8-Ball no. 1 at no. 3 Zhang Kunpeng at Wan Tongle ayon sa pagkakasunod-sunod.





Comments