WALA NAMANG GANYANAN! BOLTS, NILUSAW ANG ELITE


NAKABANGON mula sa pagkakadapa ang Meralco Bolts matapos nila kalusin ang Blackwater Elite, 99-94 kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo.
Kumana si Nico Salva ng 14 points at apat na assists upang tulungan ang Bolts na ilista ang 1-1 karta. Umarangkada ang Elite sa first canto matapos nilang hawakan ang 9-point lead, 25-16 subalit nalusaw ito sa second quarter.
Humarurot ang Bolts ng 32-17 sa second period para maagaw ang bandera, 48-42 sa halftime.
Nakipagsabayan ang Bolts sa 3rd quarter upang manatili sa kanila ang bentahe, 73-64 papasok ng 4th quarter. Samantala, pakay ng Barangay Ginebra na manatili sa top spot ng team standings pagharap nila sa mahigpit na karibal na San Miguel Beer sa 6:45 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Tangan ang 1-0 card, muling kakapit ang crowd favorite Gin Kings sa kanilang twin tower na sina Japeth Aguilar at Greg Slaughter upang lagukin ang pangalawang sunod na panalo.
Nasilo ng Bgy. Ginebra ang unang panalo matapos payukuin ang TNT KaTropa, 90-79 sa opening day noong Linggo sa PHL Arena sa Bocaue, Bulacan.
Para sa Beermen, sisikapin nilang bumangon mula sa pagkakasadsad laban sa Columbian Dyip.
Samantala, wala naman daw ganyanan, ayon sa tugon ng San Miguel Beer sa ginawang patutsada ni Alaska head coach Alex Compton sa pagkanti ng Alaska coach sa Beermen at sa PBA.
Hindi direktang nagpahayag ang SMB, pero sa isang news report ay na-quote si Compton sa pagsasabi na nasa tatlong Finals ang San Miguel, lagi ring issue sa ibang teams si five-time MVP June Mar Fajardo.
“Christian (Standhardinger) and now they added Terrence (Romeo). Kawawa ang liga,” quote ni Compton sa Inquirer.net. Tumugon ang SMB at ipinaalalang sila ang huling nalalabing pioneer team ng PBA mula pa noong 1975. “It is unfortunate that Alaska team head coach Alex Compton had to make a statement against the Beermen and the league when he actually traded away competent players like RJ Jazul at Calvin Abueva,” anang statement ng SMB.
Hindi naman lingid sa buong liga na ini-offer ng TNT si Romeo sa ibang teams bago napunta sa San Miguel. “Despite Mr. Compton’s unnecessary remarks, we are still excited about what the future holds for PBA, our teams and the fans,” dagdag ng SMB.
Ipinunto ng San Miguel na responsibilidad ng bawat PBA team na humanap ng tamang chemistry at kumuha ng talents para makabuo ng matibay na squad. (ATD)





Comments