Pagpapasara ng Estrella-Pantaleon Bridge, panibagong parusa sa mga motorista?!
- BULGAR

- Jan 20, 2019
- 2 min read
HIND talaga madali o ligtas ang bumiyahe sa mga kalsada ng Metro Manila. Kailan lang habang tayo ay nagmamaneho, biglang may tumawid sa harap natin, naka-headset at tutok sa kanyang cellphone. Kung hindi pa tayo bumusina, hindi pa niya mapapansin na muntikan na siyang masagasaan. Hindi ba, maitago muna ang cellphone habang naglalakad o tumatawid sa mga kalsada?
Nakakuwentuhan natin ang drayber ng sasakyang inarkila natin (mahirap kasi ang paradahan sa pupuntahan natin) kung mayroon nang nahuling aksidente ang kanyang dash cam. Mayroon na raw sabi nito. Dalawang aksidente, parehong motorsiklo ang sangkot at isang snatching ng cellphone. Naglalakad daw ito habang nakatingin sa cellphone kaya hinablot ng magnanakaw. Sa tingin natin importanteng may dash cam sa sasakyan. Hindi natin alam kung ano ang makukunan natin sa lansangan. Aksidente, krimen at kung masangkot din sa aksidente, alam nating nakunan ng video. Dapat siguro mas paigtingin ang pagpapakabit ng dash cam sa mga sasakyan, lalo na sa mga pampublikong sasakyan para sigurado. Oo nga pala, natuloy ba ang body cam ng mga pulis?
◘◘◘
Mukhang natuloy na nga ang pagsasara ng tulay na Estrella-Pantaleon kahapon, Enero 19. Ito ang tulay na nagdurugtong sa mga siyudad ng Makati at Mandaluyong. Dapat noong isang linggo pa ito ipasasara, pero nagbigay umano ng isa pang linggong palugit sa mga motorista. Palalaparin ang tulay na kasalukuyang tig-isang hanay lamang sa bawat direksiyon. Ang estimasyon ay dalawang taon magtatagal ang trabaho.
Panigurado, sasama pa lalo ang trapik, partikular sa mga unang linggo matapos itong maisara. Hindi na pinalipas ang planong trabaho. Ang dapat gawin ng MMDA, paigtingin ang kampanya kontra iligal na pagparada para mapakinabangan nang husto ang mga kalsada. Pati na rin ang pagsakay at pagbaba ng mga pampublikong sasakyan nang wala sa lugar. Marami r’yan, lalo na sa mga maliliit na kalsada. Dahil walang mga enforcer kahit ano, puwede nang gawin kahit perhuwisyo na sa iba. Lahat naman apektado ng trapik kaya dapat hindi tayo dumagdag pa sa pagiging masama pa nito.





Comments