MANALO O MATALO PANALO PARIN. P1 BILYON DAGDAG SA YAMAN NI PACQUIAO
- BULGAR

- Jan 20, 2019
- 2 min read

NAKANGITI si Pinoy boxing icon Manny Pacquiao sa kabuuan ng proseso ng official weigh-in sa MGM Grand Garden Arena na nagtagal lamang ng 20 segundo habang seryoso ang hitsura ni Adrien Broner kahapon.
Unang sumampa sa eskala si Pacquiao na sinaksihan ng daan-daang fans na karaniwan ay pawang mga Pinoy habang pumorma pang pa-beast mode para sa nakatakdang pag-aagawan nila ng World Boxing Association welterweight crown ngayong araw.
Gaya ng inaasahan si Pacman ay tumipa sa timbang na 146 pounds habang si Broner ay nagtala ng 146.5 pounds. Ito rin ang parehong timbang ni Pacman noong makasagupa niya ang nagdaang dalawang kalaban na sina Australian Jeff Horn at Argentine Lucas Matthysse na may magkaibang naging resulta ng laban.
Bago ang pagtimbang ay hindi siya naghapunan at kumain na lang ng itlog sa agahan kamakalawa ng gabi. Pagkaraan ng timbang ay saka lang siya lumantak ng beef stew, steak, chicken kebab, itlog, prutas at kung anu-ano bago nagbalik sa kanyang suite.
Samantala, ang halagang makukuha ni Pacman sa laban kontra Broner ay doble sa halaga na nakatala sa kanyang kontrata na nai-file ng Nevada State Athletic Commission. Ayon sa dokumento ng NSAC, kikita si Pacman ng $10-M dagdag ang percentage ng kikitain sa pay-per-view event. Samantalang ang kay Broner ayon sa NSAC contract ay $2.5-M.
Kinumpirma ng iba pang source ng BoxingScene.com, na ang kabuuang take home ni Pacman ay $20 million. Babayaran siya agad ng $10 million pagkaraan ng laban at ikakaltas na rin doon ang federal income taxes, additional taxes para sa utang sa Internal Revenue Service, ang kanyang sanctioning fee para sa pagdepensa ng WBA world welterweight title at ang pre-determined fees sa miyembro ng kanyang team. Ang dagdag na kabayarang $10-M ay mula sa iba pang revenue streams sa TV rights, American pay-per-view revenue Showtime at sponsorships.
Ang net pay para kay Pacman vs. Broner ay hindi pa batid dahil dinedetalye pa ang kanyang mga babayarang tax at utang sa IRS. Anuman ang mangyari, ang 40-anyos na si Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) ay may malaki pa ring kikitain.
Si Broner ng Cincinnati (33-3-1, 24 KOs, 1 NC) ay hindi pa batid kung magkano ang kikitain sa una niyang PPV main event. Samantala, pumalya si Cebuano featherweight Jhack Tepora sa kanyang timbang para sa WBA Interim super featherweight title defense kontra Hugo Ruiz ng Mexico. Lumabis si Tepora sa 5.5 lbs para sa 126 lbs na limitasyon at hindi rin umubra ang 2 oras na pagbabawas niya ng ekstrang timbang habang si Ruiz ay sakto sa 125 lbs.
Si Tepora sana ang unang sasalang sa PPV telecast ng Pacquiao-Broner welterweight championship pero kanselado na ang laban. (MC)





Comments