Home remedies para maibsan ang sore eyes
- BULGAR

- Jan 20, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Nahawahan ng sore eyes ang aking 3 years old na anak dahil nakalaro niya ang anak ng kapitbahay naming naunang nagkaroon ng sore eyes. Ano ang dapat kong gawin para maibsan ang maraming muta at pamumula ng kanyang mga mata? — Lyn
Sagot
Ang sore eyes ng mga bata ay kilala rin bilang “pink eye” o conjunctivitis.
Ang conjunctivitis ay ang pamamaga ng conjunctiva o manipis na film na tumatakip sa eyeball at loob ng mga talukap.
Ang mga mata ay mayroong tear ducts at mucus glands upang manatili itong lubricated, pero kapag ang sistema ay na-overwhelm, puwede itong maging mas aktibo.
Maaaring magsimula nang maglabas ng protective tears o mucus ang mga mata na sanhi ng pamamaga. Ang mga ito ay ilan sa mga karaniwang palatandaan ng conjunctivitis.
Impeksiyon ay ang karaniwang dahilan ng conjunctivitis. Ito rin ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng pagbahing o pag-ubo. Ayon sa mga eksperto, kung ang nana na nakapaligid sa mga mata ay kulay dilaw marahil, sanhi ito ng bacteria tulad ng golden staph na maaaring magamot ng antibiotic. Kung ang nana ay kulay puti, maaaring cold virus naman ang sanhi ng sakit.
Allergy ang karaniwang dahilan ng sore eyes. Maraming mayroong allergy sa pollen ay maaaring magkaroon ng pamumula at pamamaga sa kanilang conjunctiva dahil sa irritants tulad ng chlorine (sa swimming pool) o kaya sa shampoo.
Palatandaan at sintomas ng sore eyes:
Pamumula ng isa o parehong mga mata.
Malagkit na talukap, lalo na sa paggising.
Madilaw na crust sa mga pilik-mata.
Madilaw o maputi na inilalabas ng mga mata.
Hindi komportable, makati o sensitibo sa liwanag.
Sinat o magang lymph nodes malapit sa mga tainga
Narito ang maaaring gawin upang hindi ito lumala:
Hayaang matanggal ng mga luha ang mga mikrobyo — ang mga luha ay naglalaman ng mga natural na kemikal na nilalabanan ang mga mikrobyo. Karamihan sa mga mayroong infective conjunctivitis ay nawawala nang kusa sa loob ng 2 hanggang 5 araw at hindi magtatagal ng 1 hanggang 2 linggo.
Cold o warm compress — maaari itong ilagay sa labas ng nakasarang mga talukap ng ilang beses sa isang araw upang mapawi ang nararamdamang pananakit. Inirerekomenda ng mga eksperto na gumamit ng cold compress para sa mga may allergen-related conjunctivitis at warm compress para sa mga may impeksiyon.
Linisin ang mga mata mula sa loob (malapit sa ilong) hanggang sa labas na sulok gamit ang basang bimpo na ibinabad sa tubig o chamomile tea na pinakuluan at pinalamig.
Breast milk — ito ay magandang home remedy para sa sore eyes. Magbabad ng malinis na bimpo sa breast milk at gamitin ito upang linisin ang mga mata.
Tandaan, na kung mayroong conjunctivitis, ugaliing maghugas ng mga kamay. Gayunman, ang pinakamabuting gawin ay ipakonsulta agad sa doktor ang mga mata ng inyong anak upang mabigyan ng karampatang-payo tungkol sa sore eyes nito. Gayundin, upang maresetahan ng mga antibiotic eyedrop o eye ointment.





Comments