PREDATOR POOL: ‘DODONG DIAMOND,’ ORCULLO AT ARANAS, MAAANGAS
- Eddie M. Paez, Jr
- Jan 19, 2019
- 1 min read

NAGPATULOY ang angas ng mga bilyaristang Pinoy na sina Dennis “Robocop” Orcullo at Zoren James “Dodong Diamond” Aranas sa 2019 World Pool Series Predator Grand Finale sa Steinway, New York.
Itinumba ni Orcullo, pangalawa sa 2018 AZBilliards Moneyboard si Michael Yednak ng USA sa iskor na 11-2 sa bakbakan ng 10-Ball para mapanatili ang posisyon sa grupo ng wala pang talong mga bilyarista kasama nina World 9-Ball king Joshua Filler ng Germany at World Pool Billiards Association (WPA) no. 1 Alexander Kazakis na pambato ng Greece.
Kasama sa mga nakatikim ng bagsik ni Aranas, tinatayang susunod na magiging mukha ng Philippine billiards dahil sa pitong korona na naiuwi niya noong 2018 (Music City Challenge, Asian Culture Day 10-Ball, Maryland 9-Ball State Championships, Scotty Townsend Memorial, Annual Bobstock Billiards at Barry Berhmann Memorial Tourney) sina Petri Makonnen ng Finland (11-7) at ang Amerikanong si Michael Leahy (11-1).
Bukod kina Orcullo at Aranas, nakakasabay pa rin sa lead pack dala ang walang mantsang kartada sina Darren Appleton (England), Thorsten Hohmann (Germany), Jayson Shaw (Scotland), Eklent Kasi (Albania), Chris Melling (Great Britain), Ruskin Chinahov (Russia) at Denis Grabe (Estonia). Nasa one-loss bracket ang iba pang mga Pinoy na sina Carlo Biado, Daniel Dagotdot at Mhet Vergara katulad din nina Ralf Souquet ng Germany at Canadian gems Jason Klatt.





Comments