Panibagong kontrobersiyang kinasasangkutan ng Bureau of Immigration, imbestigahan!
- BULGAR

- Jan 19, 2019
- 1 min read
MATATANDAANG, dati nang naharap sa kontrobersiya ang Bureau of Immigration hinggil sa pagtanggap umano nila ng suhol na P50 milyon upang payagan ang mga Chinese undocumented worker na makapasok sa bansa na nagtatrabaho sa online gambling na nakabase sa Central Luzon.
Ngunit, ngayong nagpalit na ang taon, mukhang hindi nasali sa kanilang New Year’s resolution ang pagiging mabuti at responsableng tauhan ng gobyerno.
‘Yun lang!
Kung saan, ngayong Bagong Taon ay panibagong kontrobersiya na naman ang kinasangkutan ng Bureau of Immigration (BI) dahil ang ilan nilang opisyal umano ay naglabas ng permit sa mga banyaga kapalit ng P5,000 nang walang resibo.
Bagama’t, hindi pa malinaw kung ano ang totoong nangyari, senyales pa rin ito na marami pa ring pasaway ang nakaupo sa gobyerno.
Gayunman, dapat agad itong aksiyunan, lalo na at hindi lang ito ang unang beses na may ginawa silang katiwalian.
Samantala, naniniwala ang mga senador na ito ang rason kaya lumulobo nang husto ang bilang ng mga banyagang nagtatrabaho sa bansa na hindi na halos namo-monitor ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Kaya dapat bantayan ang mga proseso ng Immigration dahil mapanganib ito para sa manggagawang Pilipino.
Huwag nating hayaan na kung sino pa ang mga dayuhan, sila pa ang mas kumikita sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments