top of page
Pokwang.jpg

DYIP, SINAGASAAN ANG SMB

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 19, 2019
1 min read

SINANDALAN ng Columbian Dyip ang super rookie na si CJ Perez kaya nakasilo sila ng malaking isda matapos lasingin ang San Miguel Beer, 124-118 kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome.

Humarabas ang dating King Pirate na si Perez ng 26 points, limang rebounds at isang assist upang hiyain ang outstanding favorite na Beermen at ilista ang 1-0 card.

Bahagyang nangapa sa unang dalawang periods ang star player ng Lyceum of the Philippines subalit uminit ang kanyang opensa sa second half para tulungan ang Dyip na isampa sa top spot kasama ang crowd favorite Barangay Ginebra, Phoenix FuelMasters at NorthPort.

Lumaban ng sabayan ang Columbian sa first half, tatlong puntos lang ang kanilang hinahabol, 51-54 sa halftime.

Ganadong maglaro ang Dyip sa pagbubukas ng laro, hinawakan nila ang three-point lead, 27-24 sa first quarter.

Lumamang ng 10 ang Columbian sa second pero nahabol din sila ng bigating Beermen. Samantala, puntirya ng Phoenix na sikwatin ang pangalawang sunod na panalo upang manatili sa top spot ng team standings.

Katapat ng FuelMasters ang TNT KaTropa ngayong alas-6:45 ng gabi sa Ynares Center-Antipolo habang maghaharap sa unang laro ng 4:30 p.m. ang parehong naghahanap ng kanilang unang panalo na Meralco at Blackwater. Tinarak ni Calvin Abueva ang game-winning basket upang tulungan ang Phoenix na pagpagin ang Meralco, 93-92 noong Miyerkules ng gabi sa Araneta Coliseum. (ATD)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page