Delikado at perhuwisyong parking basement sa Metro Manila, talupan!

UNA ang kolum na ito sa nagsusulong na linisin ang Manila Bay, hindi lang ang Pasig River at Boracay Island.
Ngayon, ‘yan mismo ang target ng DENR.
Maraming salamat sa desisyon at aksiyon!
◘◘◘
ALAM ba ninyong napakarumi at ubod nang baho ang ilang parking basement ng matataas na gusali sa Metro Manila.
Sa mismong tapat ng Terminal 3 ay may ilang bagong tayong condo at mataas na gusali na ubod nang baho ng basement kung saan nagpa-park ang mga sasakyan!
◘◘◘
HIGIT pa sa baho ng “etsas ng kalabaw” ang baho na sumisingaw sa bangketa ng bagong gusali.
Bakit nakalulusot ito sa mga awtoridad?
◘◘◘
MABAHO ang mga basement sapagkat hindi ito nililinis araw-araw, walang sapat na bentilasyon at siyempre, nagtitipid ang may-ari sa maintenance.
Delikado ito sa kalusugan ng mga nagpapa-park sa basement!
◘◘◘
MARAMING gusali sa Metro Manila na ubod nang dumi at baho ang basement.
Nagkalat ang mga condo complex, pero napakarumi ng basement at masangsang ang amoy!
◘◘◘
KARANIWANG pinagmumulan ng mabahong amoy ang tambutso ng mga behikulo na nagpaparoon at parito.
Dahil walang maayos na bentilasyon, tiyak na “kontaminado” ng nakalalasong kemikal ang basement!
◘◘◘
MARAMI ang nagtatanong, saan itinatapon ang “dumi” ng toilet sa mga condo unit?
Ayon sa ilang nagmamasid, idinidiretso sa kanal ang dumi ng toilet sa condo.
Delikado ‘yan sa kalusugan ng mamamayan!
◘◘◘
ANG problema, paano kung walang maayos na kanal sa paligid o bisinidad?
Nabubulok ang dumi sa mga kanal na pinagpipiyestahan ng mga daga at bakterya!
◘◘◘
KUNG may building code, dapat mayroon street o highway construction code.
Layunin nito na maging rekisitos ang paglalagay ng angkop na laki at lalim ng kanal sa lahat ng lansangan.
Halimbawa, sa bawat barangay, dapat pinakamaliit ang isang metrong diametro ng kanal o tosang ng kanal na nakalagay sa magkabilang bakuran ng mga kalye!
◘◘◘
Sa mga municipal road, awtomatikong lalagyan ang ilalim ng kalye ng tosang o kanal na may dalawang diametro ang lalim at lapad.
Sa provincial road, dapat kasama ang desenyo na may tig-tatlong metro ang diametro ang kanal na nakapailalim din sa kalyeng gagawin!
◘◘◘
Sa mga itatayong bagong gusali, complex o parke, dapat may tinatawag ng “water retention facility" na mistulang swimming pool o water basin o water catcher na pag-iimbakan ng tubig-ulan na unti-unting ilalabas lamang sa pagsikat ng araw.
Layunin nitong mapigilan ang buhos ng tubig sa mga kanal na magpapabaha sa maraming lansangan!
◘◘◘
Mahalaga ang “water catcher o water basin" sa mga building complex.
Dapat magkaroon ng “waste treatment ang mga building o condo complex” kung saan lilinisin muna ang kemikal ang dumi ng tao bago padaluyin sa mga kanal!
◘◘◘
Sa ngayon, ang dumi ng tao sa mga condominium ay dinidiretso sa mga kanal kaya delikado ang kalusugan ng mamamayan na nakatira sa labas ng condo complex.
Mahalagang maunawaan ito ng publiko, lalo na ng mga may katungkulan sa pamahalaan!





Comments