After palagan ng CBCP, P-Duterte, hindi na inaalipusta ang Diyos at 'di na binu-bully ang mga pa

GOOD GRANDPA NA SI P-DUTERTE O NA-BULLY SIYA NG CBCP? — Matapos pumalag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at batikusin si P-Duterte sa sunud-sunod na pag-atake nito sa Diyos at sa mga taong-Simbahan ay kapuna-puna na sa ilang araw na pagharap sa publiko ng pangulo ay hindi na niya inaalipusta ang Diyos at hindi na rin nito binu-bully ang mga pari at Obispo.
Dalawang bagay lang ‘yan, good grandpa na si P-Duterte o na-bully siya ng CBCP, boom!
◘◘◘
IMBES SA TRABAHO, SA TWITTER NAGPOPOKUS SI SEC. LOCSIN—Dahil sa sablay na post sa social media ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. tungkol sa pagnanakaw daw ng passport maker contractor sa data ng mga passport holder na kalaunan ay natuklasang hindi naman pala nawawala, pinayuhan daw ni Sen. Antonio Trillanes IV ang DFA secretary na sa trabaho ito magpokus at huwag sa Twitter.
Kunsabagay, may punto si Sen. Trillanes sa payo niya kay Sec. Locsin kasi kapuna-puna na mas nagbababad sa social media ang DFA secretary kaysa sa trabaho niya sa ahensiyang pinamumunuan nito, pwe!
◘◘◘
WORKING PERMIT, IBINEBENTA RAW NG MGA BUWAYA SA BI SA HALAGANG P5K —Ibinulgar ni Sen. Joel Villanueva, chairman ng Senate Committe on Labor na ilang tauhan daw ng Bureau of Immigration (BI) na nakabase sa Taguig City ang nagbebenta raw ng working permit sa mga dayuhan sa halagang P5,000.
Pambihira, akala natin natigil na ang korupsiyon sa immigration matapos mabulgar ang P50 milyon extortion nina ex-BI Associate Commissioners Al Argosino at Michael Robles kay gambling tycoon Jack Lam ‘yun pala, hindi pa, mga buwisit!
◘◘◘
PANGONGOTONG SA MGA VENDOR SA RECTO AT QUIAPO, TULOY PA RIN —Kung noon ay mga vendor lang sa Recto Avenue, Maynila ang kinokotongan ng tropa ni alyas Carol Bakulaw, ngayon daw, pati mga vendor sa Quiapo ay kinokotongan na rin nito.
Dapat ipahuli na ni Mayor Joseph “Erap” Estrada si “Carol Bakulaw” at “pigain” ito kung sino ang amo niya kasi hindi ito maglalakas-loob mangotong kung walang nag-uutos sa kanyang kotongan ang mga pobreng vendor sa Recto at Quiapo, period!





Comments