LADY ALTAS, NAKASAMPA SA SEMIS, BLAZERS HAHARAPIN


NASIKWAT ng University of Perpetual Help Lady Altas ang huling tiket sa semifinals matapos patalsikin ang Jose Rizal University, 25-13, 19-25, 25-21, 25-14, kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Natisod sa second set ang Lady Altas kaya naman bigla silang pinaalalahanan ni coach Macky Cariño kung ano ang nakataya sa kanilang laban.”Sinabi ko sa kanila na pag natalo tayo tanggal kaya kung gusto n’yo mag semis ay maglaro tayo ng maayos,” saad ni Cariño.
Natauhan ang Lady Altas sa mga sinabi ni Cariño kaya nakuha nila ang panalo sa third at fourth.
Dahil sa panalo, makakalaban ng Perpetual Help ang No.1 seed at may twice-to-beat advantage na College of Saint Benilde Lady Blazers sa Martes. Tumikada si Cindy Imbo ng 18 points mula sa 14 kills at apat na service aces may sahog pang 22 digs at nine excellent receptions para sa Las Piñas-based squad.
Bumakas din si Blanca Tripoli ng 14 puntos para sa Lady Altas habang nag-ambag sina Jhona Rosal at Shyra Umandal ng tig 13 markers. Nabigo ang Lady Bombers na umabante sa Final Four matapos kapusin ang kanilang 4-5 karta. Nagtala si Dolly Versoza ng 17 pts. habang may 11 puntos si Karen Montojohe para sa Lady Bombers. (ATD)





Comments