Kaso ng meningococcemia sa Valenzuela, negatibo
- Maeng Santos
- Jan 18, 2019
- 1 min read

NEGATIBO ang resulta ng isinagawang pagsusuri kaugnay sa hinihinalang kaso ng meningococcemia sa Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH).
Ito ang inanunsiyo ng Valenzuela City Government sa kanilang Facebook page kasunod ng pagkamatay ng batang babae na nakitaan umano ng sintomas ng meningococcemia kabilang ang lagnat, pagsusuka at rashes.
Gayunman, pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang publiko na huwag pangunahan ng takot at maging maingat sa kalusugan.
Mananatiling bukas ang VCEH at iba pang pasilidad ng lokal na pamahalaan para sa mga pasyente anumang oras.
Ayon sa health authorities, ang meningococcemia ay maaaring makahawa lamang sa ibang tao sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa taong may sakit at hindi ito isang sakit sa hangin.
Una nang sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na isinailalim ng local health department ang Emergency Room Department para sa fumigation, ultraviolet light at disinfection habang ang mga miyembro ng pamilya ng biktima at lahat ng naka-duty na mga tauhan ng oras na dinala ang bata sa naturang ospital ay bibigyan ng antibiotics.
Pinayuhan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na panatilihin ang healthy lifestyle para makaiwas sa pagkahawa ng anumang sakit.





Comments