top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kaibigan at dating kasama raw ni Sec. Locsin sa Malacañang | Tunay na pasimuno ng eskandalo sa pasap

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 18, 2019
  • 3 min read

AYON kay Department of Foreign Affairs Secre­tary Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., kakatayin daw niya nang buhay ang may pa­kana ng eskandalo sa pasaporte.

Naku, hindi yata alam ni Sec. Locsin (o na­bigyan siya ng maling impormasyon) na ang mga taong may kagagawan ng kalokohan sa paggawa ng mga pasaporte ay walang iba kundi ang mga kaibigan at dati niyang kasama noon sa Malacañang?

Spokesman at speechwriter si Sec. Locsin noon ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino. Maa­aring sabihin nating orihinal na dilawan si Sec. Loc­sin bagaman, ngayon ay isa siyang opisyal sa adminis­trasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang numero unong kaaway ng mga dilawan.

Sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, nag-umpisa ang eskandalong ito.

Ibinigay umano nila ang kontrata sa priba­dong kumpanya nang walang public bidding. Labag ito sa batas at kapag mapatunayang nag­kasala ang opisya­les na sangkot ay siguradong kulong sila.

Ibinigay umano ang malaking kontrata sa pasa­porte sa United General Expression Corp. (UGEC) na ang may-ari raw ay ang bilyunaryong si Iñigo Zobel. Ang pamilyang Zobel-Ayala ay kilalang taga­suporta ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Ang dilawang opisyales na siyang nagbigay ng kontrata sa UGEC ni Zobel ay ang mga sumusu­nod:

Si Milagros Alora, chairman noon ng APO Pro­duction Unit (APO-PU). Ibinigay ng DFA ang kon­trata sa pag-print ng bagong e-pass­ports sa APO, pero ibinigay naman ng APO ang kontrata (o sub-contract) sa UGEC. Si Alora ay assistant press sec­retary noon sa adminis­tras­yon ni Cory Aquino at ngayon ay PR ope­rator na kilalang anti-Duterte.

Si Herminio “Sonny” Coloma, dating sec­retary ng Presidential Communication Opera­tions Office sa gobyerno ni ex-P-Noy. Ang APO-PU ay nasa ilalim ng PCOO.

Ayon kay dating DFA Secretary Perfecto Yasay, Jr., si Co­loma raw ang naglakad ng pag­lipat ng kontrata para sa pasaporte mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas patungo sa APO-PU. Paborito raw ni ex-P-Cory si Coloma na naitalaga niya bilang undersecretary sa DAR, Usec din sa DOTC at naging pinuno rin ng Pre­sidential Ma­nagement Staff sa Palasyo.

Ang dating DFA Secretary ni ex-P-Noy si Al­berto del Rosario. Sabi ni Yasay, si Del Rosa­rio raw ang nag-utos noong 2015 “nang walang matinong da­hilan” para alisin ang trabaho ng paglimbag ng pasa­porte mula sa BSP pa­puntang APO-PU na ibinigay naman sa UGEC ni Zobel.

Ngayong alam na ni Sec. Locsin na puro mga “coryista” ang sangkot sa eskandalo ng pasaporte, iimbestigahan pa kaya niya ito? Sana, sundin niya ang kasabihan na “walang kai-kaibigan at walang kama-kamag-anak.”

Pumutok ang isyu ng pasaporte matapos sabihin ni Sec. Locsin na kinailangan ng DFA na simulan muli ang pagbuo ng data base para sa pag-issue ng mga pasaporte.

Ibig sabihin, kapag mag-a-apply ng pass­port o renewal lang ay kailangan pa rin nating ibigay ang birth certificate natin.

Nagalit ang netizens nang malaman ang ba­gong requirement ng DFA. Bakit pahihirapan natin ang taumbayan kung mayroon na silang dating pasa­porte? Kalokohan!

Ang problema, ayon kay Sec. Locsin, ayaw umanong ibigay ng dating kontraktor ang data base na nasa kanila.

Ang dati raw kontraktor ay ang Francois-Charles Oberthur Fiduciare (FCOF) na sinabi niyang itinakas daw ang data ng mga passport holder. Mali raw ang impormasyong ipinakalat ni Sec. Locsin, ayon kay Yasay.

Noong BSP pa ang may hawak ng trabaho para sa pag-print ng passport, ang kontraktor nito ay FCOF. Nang maagaw ng APO-PU ang kontrata sa passport, ang kontraktor na kinuha nito ay ang UGEC.

Sabi ni Yasay, hindi raw totoo na ang French na kumpanya ang nagtago ng data at gusto lang daw ni Sec. Locsin na pagtakpan ang mga kapalpakan tung­kol sa passport.

Ang nakatatakot sa nangyaring ito ay ang tina­tawag na “data breach”. Kung nawawala ang im­pormasyon tungkol sa mga Pilipino na may pass­port, sino ang may hawak nito?

Maaari ba nilang magamit ang impormasyon sa masamang gawain? Kawawa naman tayong pass­port holders.

Siniguro ni Presidential Legal Counsel at Spokes­man Salvador Panelo na iimbestigahan nila nang husto ang nangyari.

Ayon kay Yasay, walang hawak na data base ang FCOF ng France sapagkat ang ginawa lang nito ay ang machine-readable passport.

Ang gobyerno ni ex-P-Noy ang biglang nag-shift sa paggawa ng “e-passports” at ibinigay nito ang kontrata sa APO-PU at UGEC ni Zobel. Iligal ang pagbigay ng kontrata sa UGEC dahil walang naging public bidding.

“Hindi ko ito inaprub noon dahil iligal ang pag-subcontract,” dagdag ni Yasay. May kinalaman daw ang pag-reject ng Commission on Appointments sa kanyang pagtutol sa iligal na kontrata ng APO-PU at ng UGEC.

Marami raw miyembro ng CA ang nakialam sa isyu at hinarang ang kanyang appointment.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page