Gustong ipahiram ang lisensiya bilang environmental planner para kumita

Dear Chief Acosta,
Isa akong lisensiyadong environmental planner subalit, tumigil ako pansamantala sa aking pagtatrabaho. Maaari ko bang ipahiram ang professional identification card ko sa environmental planning student para kumita kaming pareho habang hindi pa ako nagtatrabaho? — Harry
Dear Harry,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 21(g) ng Republic Act No. 10587 na mas kilala bilang “Environmental Planning Act of 2013” kung saan nakasaad:
“Section 21. Revocation or Suspension of the Certificate of Registration and Cancellation of Temporary/Special Permit. – The Board shall have the power, upon notice and hearing, to revoke or suspend the Certificate of Registration of a registered and licensed environmental planner or to cancel a Temporary/Special Permit granted to a foreign environmental planner, for the same grounds enumerated in Section 20 of this Act, except paragraph (c) hereof, and any of the following grounds: xxx
(g) Aiding or abetting the illegal practice of a nonregistered and unlicensed environmental planner by, among others, allowing him/her to use his/her Certificate of Registration and/or Professional Identification Card or his/her Temporary/Special Permit; xxx”
Ayon sa nasabing batas, isa sa mga batayan sa pagkansela o pagsuspinde ng certificate of registration ng rehistrado at lisensiyadong environmental planner ay ang pagpapagamit ng kanyang certificate of registration o professional identification card sa indibidwal na walang lisensiya upang magpanggap na lisensiyadong environmental planner. Labag sa batas ang inyong binabalak na ipagamit ang inyong lisensiya sa environmental planning student sapagkat tanging mga lisensiyadong environmental planner o may permit lang ang maaaring mag-practice ng nasabing propesyon.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments