Mga lokal na opisyal na nagpabaya sa kalinisan ng Manila Bay, kakasuhan!
- BULGAR

- Jan 17, 2019
- 1 min read
PUNO ng basura at halos hindi na makita ang ganda ng Manila Bay.
Nakalulungkot na sa paglipas ng panahon, imbes na gumanda ang ating kapaligiran ay lalo pa itong nasisira at napababayaan.
Ngunit, sino ba ang dapat sisihin sa mga ganitong kaganapan, ang taumbayan o ang mga kinauukulan?
Gayunman, sa ngayon ay magsasagawa ng rehabilitasyon sa Manila Bay sa darating na January 27 kung saan gagastos ang gobyerno ng P47 bilyon, pero bago maganap ang muling pagpapaganda nito, nagbabala sina Environment Secretary Roy Cimatu at Interior Secretary Eduardo Año na mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang ilang lokal na opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin sa tamang waste disposal at waste management sa kanilang lugar na nagresulta sa polusyon sa Manila Bay.
Dagdag pa ni Cimatu, ang mga lokal na opisyal umano ang dapat nagpapatupad ng environmental laws, subalit, mukhang hindi itong nagampanan at hindi natutukan ang programa para sa mga estero na pinaniniwalaang pinagmumulan ng mga basura na napupunta sa nasabing dagat.
Napakalaking halaga ng P47 bilyon, kaya nakapanghihinayang, kung hindi sana natin pinabayaan ang Manila Bay, marahil, maaari pang magamit ang halaga ng pera para sa ibang mga programa na malaki ang maitutulong para sa lahat.
Samantala, huli na ang lahat para magsisi tayo, ang dapat nating gawin ngayon ay makipagtulungan sa pamahalaan para sa mas maayos, mapayapa at malinis na bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments