14-MAN POOL, SASABAK SA 6TH AT FINAL WINDOW NG FIBA

PINANGALANAN na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang 14-man line-up ng Gilas Pilipinas sa darating na sixth window ng FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers.
Sa naturang line-up, nakasama dito ang naturalized player na si Andray Blatche kung saan magbabalik na siya sa koponan matapos hindi makapaglaro sa Gilas sa huling dalawang window ng kompetisyon.
Napasama rin sa line-up ni head coach Yeng Guiao sina Jayson Castro, Mark Barroca, Paul Lee, Scottie Thompson, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Troy Rosario, Japeth Aguilar, Poy Erram, June Mar Fajardo, Raymond Almazan, RR Pogoy, at Christian Standhardinger.
Sa mga napili ni Guiao, si Blatche, Pogoy, at Barroca ang pinakabagong manlalaro na napasama sa Gilas Pilipinas na kakaharapin ang Qatar sa Pebrero 21 at Kazakhstan sa Pebrero 24.
Sa isang statement, nagpasalamat si SBP president Al Panlilio sa PBA sa kanilang pagpahiram ng kanilang mga manlalaro para sa national team. “As this window is critical in our campaign, we would like to thank again the support of the PBA in making this PBA players available,” wika ni Panlilio.
Kinagalak din ni Panlilio na darating si Blatche sa bansa sa unang linggo ng Pebrero habang magsisimula ang ensayo ng koponan sa Enero 21.
Lilipad naman ang koponan sa Middle East sa pangalawang linggo ng Pebrero kung saan maglalaro ang Gilas ng mga tune-up games.
“We are also happy to announce that Andray Blatche has committed to help our drive to qualify for the FIBA World Cup in China. We are requesting all the Filipino basketball fans to continue supporting our national team, coach Yeng and his staff and the SBP,” saad ni Panlilio.





Comments