Taga-Customs na, may pa-jueteng at pa-lotteng pa, payaman!

IMBES SALUBUNGIN NG BATIKOS NG MGA TAGA-DAVAO, NAGPA-SELFIE PA SILA KAY SEN. TRILLANES —Sablay ang pagsasampa ng kasong libel sa Davao City Regional Trial Court ng magbayaw na sina ex-Vice-Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio laban kay Sen. Antonio Trillanes IV.
Inakala siguro ng magbayaw na sasalubungin ng batikos ng mga taga-Davao si Sen. Trillanes pagtuntong nito sa lungsod para harapin ang kanyang mga kasong libelo, pero walang pambabatikos na nangyari sa senador kundi nagmistulan pa itong “rock star” ng mga taga-Davao na nagpa-selfie at nagpa-picture pa kay Sen. Trillanes.
Dahil diyan, nakita ng publiko na hindi pala lahat ng mga taga-Davao ay hate si Sen. Trillanes kundi may mga nagpapakita pa rin ng love sa senador, boom!
◘◘◘
IMBES BATIKUSIN, KINAMPIHAN PA NG MALACAÑANG ANG CHINA SA PANGINGISDA NITO SA WPS—Nagsalita na rin sa wakas ang Malacañang sa isyung pangingisda ng sangkaterbang Chinese fishing vessels sa karagatan ng Pilipinas, pero ang masaklap, hindi pambabatikos ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kundi pabor umano ito sa ginagawa ng China sa West Philippines Sea (WPS).
Ang sabi ni Panelo, wala raw problema sa pangingisda ng mga Chinese sa karagatan ng Pilipinas.
Ganu’n? Wala palang problema kay Panelo kahit kinukuha ng mga Chinese ang mga isda sa karagatan na sakop ng Pilipinas na dapat mga Pinoy ang nakikinabang. Buwisit!
◘◘◘
50 MILYONG PINOY, HIRAP SA BUHAY?—Sa latest survey ng SWS, lumabas na halos kalahati ng mga Pilipino ay mahirap.
Kalungkot naman ang resulta ng survey ng SWS kasi sa populasyon ngayon ng Pilipinas na mahigit 100 milyong Pinoy, lumalabas na higit 50 milyong Pilipino ang nakararanas ng hirap sa buhay, hu-hu-hu!
◘◘◘
“SHERWIN”, UBOD NA SIGURO NG YAMAN KASI TAGA-BUREAU OF CUSTOMS NA, MAY PA-JUETENG AT PA-LOTTENG PA SIYA SA CALOOCAN — Isang alyas Sherwin na nagtatrabaho sa Bureau of Customs ang may pa-jueteng at lotteng daw sa Maypajo, Caloocan City.
Ganu’n? Aba, siguro ubod na siya nang yaman kasi taga-Bureau of Customs na siya tapos may pa-jueteng at lotteng pa.
O, ano pa ang hinihintay mo BIR Commissioner Caesar Dulay, ipa-lifestyle check mo na si “Sherwin,” dali!





Comments