PASIG-KINGS, KAMPEON SA PRESEASON NG 3X3


@ringstarboxing
HINIRANG na kampeon ng Chooks-To-Go-Pilipinas 3X3 Preseason Tournament ang Pasig-Grindhouse Kings noong Lunes ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagsabog ng 10 puntos si Dylan Ababou upang talunin nila ang Go-For- Gold-San Juan Knights, 21-17, at iuwi ang gantimpalang P50,000.
Kasama ni Ababou ang Fil-Am na sina Taylor Statham, Joshua Munzon at Troy Rike. Si Statham ang nagpasok ng huling field goal ng Grindhouse upang matigil ang laro na may mahigit pang tatlong minuto ang nalalabi sa orasan. “Bilang beterano, nakinig sa akin ang mga kakampi ko at nakita ko ang gutom nila para manalo,” wika ni Ababou.
Hindi naging madaling kalaban ang Knights na kinabibilangan nina Mark Cardona, John Wilson, Larry Rodriguez at Michael Ayonayon.
Tinalo ng Grindhouse ang One Bataan Risers sa semifinals, 21-15. Sa preliminary round, sunud-sunod nilang pinabagsak ang Cebu-Max 4 Birada, 21-9, at Valenzuela Classic, 21-19.
Ang iba pang mga koponan na kalahok sa preseason at sa parating na first conference o President’s Cup ay ang Zamboanga Valientes, Marikina Shoemasters, Vigan Baluarte Zoo, Manila Stars, Bulacan Kuyas, Bacoor Strikers at Zark’s Burger-Quezon City.
“Medyo naninibago sila noong una sa estilo ng 3X3 pero nakita natin na umangat ang kalidad ng laro pagdating ng semifinals at championship,” wika ni Commissioner Eric Altamirano.
Nakatakda ang pagbukas ng President’s Cup sa Pebrero 16 sa SM Megamall. Susundan ito ng serye ng palaro sa Pebrero 24, Marso 1, 9 at 31 at Abril 6 na siya ring magsisilbing Grand Finals para malaman ang overall champion ng conference na gagawaran ng P1-M. (A.Servinio)





Comments