‘Di bale ng baguhan, kung malinis naman ang budhi | Sikat at trapong mga pulitiko, out!
- BULGAR

- Jan 16, 2019
- 3 min read
SA pagsabog ng impormasyon sa social media, marami nang natututunan ang mga Pilipino tungkol sa gobyerno, politika, media at iba pang mga bagay na malaki ang epekto sa buhay at ekonomiya ng bansa.
Nabisto nang husto ang kapalpakan ng dilawang Partido Liberal matapos ang eskandalo ng Dengvaxia, DAP-PDAF, Mamasapano, MRT3 at iba pang iligal at korup na gawain ng opisyales ng dating administrasyon.
Sana, matandaan ng mga botante na naging talamak ang krimen at droga nang ang mga dilawan pa ang may hawak ng matataas na posisyon sa Malacañang, Senado at Kamara.
Huwag tayong boboto ng sinuman dahil lamang “sikat” o dati na itong senador. Dapat matuto tayong pumili ng tunay na makatutulong sa mahihirap at hindi ‘yung nagpapanggap lang na ordinaryong tao, pero sa totoo lang ay elitista pala.
Lalung-lalo na sa Senado, huwag tayong pipili ng mga pulitikong “trapo” o ‘yung matagal nang nasa politika. Mainam na piliin ang mga baguhan na malinis ang mga budhi at tunay na tutulong sa mahihirap.
Kung tayo ang tatanungin, mas mabuti nang mabuwag ang Senado para iisa na lang ang ating Kongreso. Makatitipid pa tayo ng P5 bilyon bawat taon (ang budget para sa suweldo ng mga tumatabang mga senador at kanilang staff).
Kapag isa na lang ang Kongreso ito ay tinatawag na unicameralism. Maraming bansa sa mundo ang mga mayaman at progresibo na ganito ang sistema, iisa lang ang parlamento na pinangungunahan ng prime minister.
Nagawa na natin ito noong huling mga taon ng administrasyong Marcos. Si Cesar Virata ang naging prime minister ng Pilipinas noon at iisa lang ang Kongreso natin, ang Batasang Pambansa.
Kaakibat sana ng sistemang parlamentaryo ang pederalismo kung saan magkakaroon tayo ng “states” sa ilalim ng Republika. Ganito ang sistema sa U.S., Germany, China, Brazil, Switzerland at iba pang bansa.
Mas lalago ang mga probinsiya natin sa ilalim ng pederalismo. Magkakaroon sila ng kapasidad na palaguin ang kanilang mga lugar.
Pero, habang wala pa ang ganitong sistema, pagbutihin na lang muna natin ang pagpili sa mga pulitikong magpapatakbo ng gobyerno.
Ang mga mahilig manggulo o ang tinatawag na “destabilizer” ay huwag na nating pansinin. Hindi uunlad ang bansa natin kung mabibigyan ang mga ito ng kapangyarihan.
Ang mangyayari ay kukutyain pa nila ang magagandang proyekto na ginagawa ng gobyerno. Estilong-bulok nila ang magbatikos para maiangat ang mga “bata” nila sa posisyon, lalo na ‘yung maraming pagkakaperahan (alam ba ninyo kung magkano ang ginastos ng mga dilawan para sa palpak na bakunang Dengvaxia? P3.5 bilyon! Overpriced umano ito kaya ang tanong, sino ang kumita?)
◘◘◘
Natutuwa tayong mabalitaan na inaayos nang husto ng gobyerno ang sistema ng mga tren na pinatatakbo ng Philippine National Railways. Talagang napabayaan natin ang mga tren natin gayung ang mga ito ang pinakamainam na solusyon sa problema ng trapiko.
Hindi tulad ng bus o jeepney na kaunti lamang ang pasahero, ang tren ay mas marami ang maisasakay na tao o ang tinatawag na “mass transport system”.
Ngayong taong ito, balak nang umpisahan ng administrasyong Duterte ang Tutuban-Los Baños South Commuter Line.
Tatakbo ng 72 kilometro, daraan sa 22 istasyon kabilang na ang isa na malapit sa International Rice Research Institute.
Tutulungan tayo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagpondo ng malaking proyektong ito na nagkakahalaga ng P124 bilyon.
Kapag natuloy ang South Commuter Line, mababawasan nang husto ang oras ng pagbiyahe mula Maynila hanggang Laguna na posibleng maging isang oras na lang.
Matatapos daw ang linya ng tren sa unang bahagi ng 2022.
Kasabay ding gagawin ang mas ambisyoso pang proyekto, ang PNR Long Haul Project, isang linya ng tren na tatakbo mula Maynila hanggang sa Matnog sa Sorsogon.
Mas mahaba ito, 639 kilometro ng “standard gauge railway”.
Kapag natuloy ito ay sigurado ang pag-“boom” ng ekonomiya ng rehiyon ng Southern Tagalog at Bicol. Limang oras na lang ang magiging biyahe mula Maynila hanggang Legaspi sa pamamagitan ng tren na ito. Kaya nating gawin ito!
O, may dilawang pulitiko ba na nakagawa ng ganitong klase ng imprastruktura? Baka sirain pa nila ang tren tulad ng pagsira nila sa MRT3 (ninakaw ang partes kaya palaging may aksidente).
Kaya mag-isip-isip na tayo sa pagboto, stop na tayo sa mga “panggulong” pulitiko sa darating na eleksiyon. Mas mabuting piliin na lang natin ang mga kandidatong tunay na tutulong para umunlad tayong lahat.





Comments