Mga magnanakaw na nagpapanggap na deboto ng Sto. Niño, buking!
- BULGAR

- Jan 15, 2019
- 1 min read
ANG mga demonyong kawatan, walang tigil sa pamemerhuwisyo. Matapos ang Translacion ng mahal na Itim na Poong Nazareno kamakailan kung saan apat na mga “anak ni Taning” ang nahuli ng mga awtoridad dahil sa pandurukot sa mga debotong nakilahok sa nasabing okasyon.
Nagpapanggap diumano ang mga balasubas na ito na mga deboto rin, pero mga kawatan pala na maaaring ganito rin ang maging raket ng mga halang ang kaluluwa ngayong ang pista ng Sto. Niño naman ang nakatakdang ipagdiwang sa ikatlong linggo ngayong Enero 2019, kaya pinag-iingat ng kolum ito ang ating mga ka-BULGAR na lalahok sa naturang okasyon na maging mapagmatyag, makiramdam, alerto at ‘wag maging kampante sa mga nagkukunwaring deboto rin ng mahal na Sto. Niño, pero mga mandurukot at salisi pala.
Nakadamit din ang mga gunggong na ito ng t-shirt na may larawan ng Sto. Niño at pasayaw-sayaw din, pero nagmamatyag lang kung sino ang kanilang bibiktimahin.
Animo mga maaamong tupa na nagdarasal din para hindi sila mapaghinalaang mga kawatan na ang puntirya ay ang mga abala sa pagbebendisyon ng dalang mga imahen ng Sto. Niño.
Ngayon palang inaabisuhan na natin ang mga ka-BULGAR natin na huwag na kayong magdala ng wallet, cellphone, magsuot ng mga alahas at iba pang mahahalagang gamit sa paglahok sa pista ng mahal na Sto. Niño dahil nakaabang na ang mga buwitre na sasagpang sa inyo. Gets? Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments