Kaalaman tungkol sa psoriasis
- BULGAR

- Jan 15, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
May mga tumutubo sa balat ko sa bandang siko at nagsisimula na rin sa parteng tuhod. Ito ay makaliskis, namumula at makati rin, lalo na kapag mainit ang panahon. May nakapagsabi sa akin na ito raw ay psoriasis. Totoo kaya ito? Sana ay matalakay ninyo ang tungkol sa sakit nito. — Danny
Sagot Mayroong iba’t ibang uri ang sakit na psoriasis at bawat uri nito ay may iba’t ibang sintomas na maaaring maranasan.
Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng psoriasis:
• Nangangapal at namumulang patse sa balat na kadalasang nakikita sa mga siko at tuhod.
• Pangangaliskis at pamamalat ng bahagi ng balat na apektado.
• Pagsusugat ng bahagi ng balat na natuklapan.
• Pabibitak at pagkakaliskis ng anit.
• Pangangati ng apektadong balat.
• Pagtutuklap at pamumuti ng kuko.
Ang psoriasis ay nahahati sa tatlong kategorya — mild, moderate at severe.
• Mild psoriasis — kakaunting bahagi lamang ng balat ang naapektuhan nito. Ito ay kadalasang nakikita sa mga siko at tuhod.
• Moderate psoriasis — ang apektadong balat ay mas malawak. Maaaring apektado rin ang anit. Tinatayang 20% ng balat ang apektado ng sakit.
• Severe psoriasis — bukod sa apektadong balat sa anit, mga siko at tuhod, apektado rin ang balat sa mukha, dibdib, likod at mga kamay. Maaaring ito ay may pagsusugat na may kasamang pananakit ng kasu-kasuan na tinatawag na psoriatic arthritis.
Gayunman, makabubuting magpatingin sa doktor sa simula pa lang na maranasan ang mga nabanggit na sintomas para makatiyak kung anong uri ng sakit ang nakapagdudulot ng mga sintomas sa balat. Tandaan, may ilan ding sakit na mayroong kaparehong sintomas sa psoriasis.
Makabubuting magpatingin sa dermatologist upang masuri itong mabuti.





Comments