Hirit sa DOTr | MOTORCYCLE TAXI, PAYAGAN
- Vyne Reyes
- Jan 15, 2019
- 1 min read

ISANG resolusyon ang isusumite ng isang komite sa Kamara sa Department of Transportation (DOTr) para himukin ito na mapayagan na ang operasyon ng mga motorcycle taxi sa bansa.
Iyan ang napagkasunduan sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development ng mga kongresista na naniniwala sa pangangailangan na maibalik ang pagbiyahe ng motorcycle for hire tulad ng Angkas.
Sa ipinababalangkas na resolusyon, igigiit sa DOTr ang paggamit ng kapangyarihan ng kagawaran na lumikha ng espesyal na klasipikasyon para sa motorcycle taxi.
Naninindigan ang mga mambabatas na maituturing nang emergency ang sitwasyon lalo na at nahihirapan ang maraming pasahero na makahanap ng mabilis at murang alternatibong transportasyon.
Handa naman ang kumpanyang Angkas na makilahok sa technical working group tungkol sa pagpapahintulot sa motorcycle taxi na makapag-operate.
Sa pagdinig, sinabi ni George Royeca ng Angkas na higit umano sa hinihingi ng batas ang kanilang ipinatutupad na regulasyon para sa ligtas na pagbiyahe ng publiko.
Kabilang na ang pagpapatupad ng speed limit at isang sakay lang na pasahero sa kada motorsiklo.
Sinabi naman ni Transportation Assistant Secretary Mark de Leon na susubukang matalakay sa pulong ng technical working group ng DOTr ang mga puntong inilalatag sa pagdinig ng komite.





Comments