Paghahanda para sa 2019 Midterm Election, umarangkada na!

PUSPUSAN na ang paghahanda ng mga kinauukulan para sa magaganap na halalan ngayong taon kung saan sinimulan na ang pagpapakalat ng mga police checkpoint sa iba’t ibang panig ng bansa upang ipatupad ang gun ban.
Bukod sa baril, ipinagbawal din ang pagdadala ng kutsilyo at ng mga bagay na matatalim upang makaiwas sa karahasan na may kaugnayan sa darating na halalan dahil matatandaang, ilang opisyal o kandidato na rin ang pinaslang na kinakitaan ng politikal na dahilan.
Gayunman, sa isinasagawang checkpoint, hindi lamang mga baril o matatalim na bagay ang nakumpiska kundi maging ang mga hinihinalang shabu kung saan may namatay pa dahil nanlaban sa pulisya.
Samantala, mayroon namang mabubuti ang kalooban na kusang isinuko ang kanilang mga armas na walang permit sa Commission on Elections (Comelec).
Maliban pa rito, umabot sa anim na libo ang nakiisa sa “Unity walk, interfaith rally at peace covenant signing” kabilang dito ang mga kinatawan mula sa Comelec, government organizations, advocacy, religious groups, akademya, national at lokal na kandidato, gayundin ang Philippine National Police (PNP) na nangako sa pagtataguyod ng makatarungan at mapayapang halalan sa Mayo.
Sa ngayon, sana ang paghahandang ito ay maging sapat upang hindi na makalusot pa ang mga kawatan at masasama ang hangarin.
Hiling natin ang mapayapa at patas na halalan ngayong 2019! ‘Ika nga, campaign fairly at vote wisely!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments