'Pag tuluyang nalinis ang Manila Bay, napakalaking ginhawa at biyaya!

NAPAKALAKING bagay kung maisasagawa nina Pangulong Rodrigo Duterte at Department of the Environment and Natural Resource (DENR) Secretary Roy Cimatu ang paglilinis sa Manila Bay.
Sa tingin natin, kahit ito lang ang magawa ni P-Duterte sa buong anim na taon ng kanyang administrasyon ay matatandaan na siya bilang isa sa pinakamagaling na pangulo ng bansa.
Bakit? Ang paglilinis sa Manila Bay ay malaking kapakinabangan sa mga mangingisda, lalo na sa mga taga-Batangas at Cavite dahil kung mawawala ang mga basura rito ay darami ang mga isda na puwede nilang makuha.
Ang Manila Bay ay simbolo ng ating bansa mula pa noong panahon ng mga lolo at lola natin.
Isa sa mga dahilan kaya naging kapital ng Pilipinas ang Maynila ay dahil napakaganda ng Manila Bay. Tanyag sa buong mundo ang eksena ng paglubog ng araw sa Manila Bay.
Eh, anong nangyari nitong nakaraang 40 dekada?
Ngayon kasi, kapag pumunta tayo roon para makita ang paglubog ng araw ay mandidiri na tayo sapagkat mabaho na ang ilang lugar doon dahil puno na ng napakaraming basura.
Ano naman kung malilinis ang Manila Bay?
Magiging simbolo ito na unti-unti nang naaayos ang ating bayan.
May posibilidad na mapansin ng mga foreign investor na umuunlad na ang Pilipinas at magbubuhos na sila ng pondo para mas mapalago ang industriya at mga negosyo rito.
Napakarami ng mga nagpaparumi sa Manila Bay at marami ang mga kumikita sa pamamagitan nito nandiyan ang mga pabrika at establisimyento na malayo sa Manila Bay, pero nagtatapon ng mga basura nila sa Pasig River na umaagos patungong Manila Bay.
Daan-daang milyon umano ang kinikita ng opisyales ng city hall ng Maynila, Pasay, Cavite at iba pa para hindi maipasara ang mga pagawaan at estabisimyento na nagdurumi sa Manila Bay at Pasig River.
Hahanap talaga ng dahilan para masabotahe ang proyektong linisin ang Manila Bay.
Malaki rin umano ang kinikita ng mga “magagaling” sa coast guard na hinahayaang magtapon ng basura sa Manila Bay ang mga barkong dumaraong dito.
Subalit, kung nagawa nina P-Duterte at Sec. Cimatu ang paglilinis sa Boracay Island ay magagawa rin nila ang paglilinis sa Manila Bay. Natatandaan ba ninyo noong inanunsiyo ni P-Duterte ang pagsasara ng anim na buwan ng Isla ng Boracay ay naghihiyaw ang mga dilawang senador tulad nina Risa Hontiveros at Bam Aquino na mali raw ito? Nang-intriga pa nga noon si Sen. Antonio Trillanes IV na ipinasara lang umano ni P-Duterte ang Boracay Island para makapasok ang mga Intsik na casino operator?
O, ano ngayon, tameme sila na masaya ang buong bayan at maging ang mga negosyante rito na nalinis ito sa wakas.
Nakilala natin si Sec. Cimatu noong nakasama natin siya sa gobyerno ni ex-P-GMA.
Siya ay respetadong heneral ng Army at walang bahid ng korupsiyon. Tahimik lang siya, pero masigasig at walang kinatatakutan.
Malaki ang tiwala natin kay Sec. Cimatu sa pagtantiya niyang magagawa ang paglilinis bago magtapos ang taong ito.
Sana ay magtagumpay tayo sa proyekto ni P-Duterte na malinis ang Manila Bay!





Comments