Administrasyong Duterte a.k.a 'sisi' Republic', mahilig manisi!
- BULGAR

- Jan 14, 2019
- 2 min read
NGAYONG PANAHON NI SEC. LOCSIN NAWALA ANG DATA NG MGA PASSPORT HOLDER SA DFA, PERO ANG SINISISI, AQUINO GOV’T.—Ngayong panahon ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. nawala ang data ng mga passport holder dahil tinangay daw ito ng dating kontratistang passport maker ng DFA, pero ang sinisisi umano nito sa kapalpakan ng kanyang tanggapan ay ang dating administrasyon ni ex-P-Noy.
Ano ba ang nangyayari sa bansa, kailan pa naging “sisi” Republic ito? Noong panahon ni ex-P-Noy, ang lahat ng kapalpakan ng kanyang gobyerno ay kay HSPGMA umano niya isinisi at ngayon, ang sinisisi sa mga kapalpakan ng Duterte gov’t. ay gobyerno ni ex-P-Noy.
Dahil d’yan, malamang, kapag wala na sa poder si P-Duterte, ang sisihin ng susunod na administrasyon sa kanilang mga kapalpakan ay ang Duterte gov’t., buwisit!
♦♦♦
WALA PALANG ALAM SI SEC. LOCSIN KAYA DAPAT SIBAKIN NA ITO NI P-DUTERTE—Sa social media, may nagtanong kay Sec. Locsin kung matitiyak daw ba ng DFA ang seguridad ng mga passport holder matapos nakawin ang passport data sa DFA.
Dapat bilang DFA secretary, ang sagot ni Sec. Locsin ay “yes or no” lang, pero ang isinagot niya ay “I don’t know”.
Kung ganyan na walang maisagot na matino si Sec. Locsin, aba, dapat sibakin na ito ni P-Duterte, dali!
♦♦♦
5 PNP OFFICIALS, IPINAHIYA NI P-DUTERTE NANG PANGALANANG SANGKOT DAW SILA SA DROGA—Matapos pangalanan ni P-Duterte sina Sr. Supt. Francisco Ebreo, Sr. Supt. Allan Macapagal, Supt. Riche Yatar, Supt. Nasruddin Tayuan at Sr. Insp. Victor Paulino na sangkot daw sa droga sa Bacolod City, sinabi ni PNP-Region 6 Director John Bulalacao na paiimbestigahan daw niya ang mga opisyal na tungkol sa isyung ito.
Ganu’n, paiimbestigahan pa lang kung sabit sila sa droga? Pambihira, bakit pinangalanan agad sila ni P-Duterte kung wala pang batayan kung sangkot sila sa droga?
Dahil pinangalanan na sila ni P-Duterte, hindi lang ang limang police officials na ito ang nalagay sa malaking kahihiyan kundi pati ang kanilang mga pamilya, tsk-tsk-tsk!
♦♦♦
MGA PINANGALANANG PULIS NA SABIT SA DROGA, MAG-INGAT—Ngayon napangalanan na sila, dapat ay mag-ingat ang limang police officers na isinangkot ni P-Duterte sa droga.
Baka kasi matulad sila sa ibang opisyal at tauhan ng PNP na matapos isangkot ng pangulo sa droga ay pinabulagta ng riding-in-tandem, hu-hu-hu!





Comments