Paraan para hindi lumala ang eczema

Dear Doc. Shane, Ang balat ng anak ko sa kanyang singit, leeg at mga binti ay parang nagsusugat-sugat, namumula, tuyo at nangangati. Sabi ng kapitbahay namin, eksema raw ito dahil gayundin ang balat ng anak niya. Paano malalaman kung eksema ito? — Sylvia
Sagot Narito ang pangunahing sintomas ng eczema: • Panununyo at makating balat. • Mabilis magsugat. • Mapula ang paligid na tila rashes.
Makikita ang nasabing mga sintomas sa iba’t ibang bahagi ng katawan, depende sa edad. Sa mga sanggol at batang hanggang 2 taong gulang karaniwang nasa anit, ulo at mukha, lalo na sa pisngi. Nagkakaroon din sila sa siko, mga tuhod at braso.
Sa mga batang 3 taon pataas, makikita ito sa leeg, singit, sakong at mga binti. Sa mga matatanda, ang rashes ay kadalasang nasa siko, leeg, mga tuhod at binti.
Ang eczema ay karaniwang kondisyon sa balat at hindi agad ito nawawala ngunit, hindi ito nakahahawa.
Narito ang 3 uri nito: • Atopic — ito ay sanhi ng allergy sa pagkain o iba pang bagay sa kapaligiran. Ito rin ay namamana o nasa dugo.
• Infantile seborrhoeic eczema o kilala sa tawag na cradle cap — ito ang uri ng eczema kung saan makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat na hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay sa ulo at buhok ng sanggol, pagkatapos ay huhugasan ito ng shampoo o sabon.
• Allergic contact dermatitis — ito ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panligo, panlaba o pagkain. Kapag ang bata ay hindi nae-expose sa mga dumi at impeksiyon, mas malaki ang pagkakataon na maging prone sila sa allergy dahil mahina ang kanilang immune system at walang nilalabanan.
Narito ang ilang paraan para hindi ito lumala: • Iwasang kamutin ang bahagi nito — upang hindi magsugat, mamaga at maimpeksiyon.
• Mahalagang magbasa palagi ng labels at ingredients bago kainin o gamitin ang mga produkto.
• Iwasan ang paggamit ng sabon o cream, lalo na kung may namamaga o nagsusugat na rashes.
Gayunman, ang pinakamahalagang gawin ay magpakonsulta sa dermatologist o espesyalista sa balat upang mabigyan ng karampatang pangangalaga sa balat.





Comments