Pahiwatig na hindi ito ang tamang panahon para mangibang-bansa
- BULGAR

- Jan 13, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Marah ng Marah_Kismet@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng napanaginipan kong uuwi raw ako ng probinsiya, pero hindi ko raw mahanap ‘yung sakayan ng bus? Dumaan na ako sa tulay, pero wala pa ring bus dahil puno na ang mga ito.Tapos, napadaan ako sa mga tindahan ng kabaong, may nag-uusap at ang narinig ko ay ‘yung mga kabaong ay galing pa raw ng Singapore. Gusto ko raw mag-swimming , ‘yung swimming pool ay walang tubig, kaya ang ginawa ko ay binuksan ko ‘yung gripo at du’n ako naligo.Bagong gawa ito at kita pa na hindi pantay-pantay ang pagkakasemento ng swimming pool, gayundin ‘yung semento ay naka-tiles at parang kahon siya na malalim, hindi siya mukhang swimming pool, kaya nakapagtataka. Sana, masagot ninyo ito.
Naghihintay,
Marah
Sa iyo Marah, Ganito ang sabi, may kani-kanyang panahon ang lahat ng aktibidad dito sa mundo, kumbaga, “there is a season for everthing.” ‘Ika nga, may panahon ng pagtatanim at pag-aani at ang lahat ay may kani-kanyang takdang panahon.
Sa makabagong mundo, mukhang hindi ito iniintindi lalo ng mga millennial dahil ang alam nila ay kung ano ang pauusuhin nila, ‘yun ang mauuso at para bang hawak nila ang pag-ikot ng mundo. Pero, alam mo, akala lang naman nila ang ganu’ng paniniwala, kumbaga, walang basehan kung ano ang pinauuso nila, ‘yun na ang sisikat sa mundo dahil ang totoo, natatangay lang din sila ng kung ano ang napapanahon.
Ganu’n ang buhay, hindi puwedeng ipilit ng tao ang gusto niya dahil nakatakda ang pagpapalit ng mga araw. Tulad ng panahon ng taglagas, mahirap patubuin ang mga halaman kahit pa diligan, araw-araw at tulad din sa panahon ng tagtuyot, ang mga halaman ay nalalanta at nanunuyot.
Gayunman, ang sabi ng iyong panaginip, hindi ngayon ang tamang panahon upang umuwi ka sa probinsiya na ayon din sa iyong panaginip ay noon mo pa gustong gawin, gayundin, huwag ka munang mag-abroad dahil hindi ngayon ang magandang panahon ng pag-a-abroad para sa iyo at sabi rin ng panaginip mo, huwag ka munang papasok sa malalimang pakikipagrelasyon. Kung ganu’n, ano kaya ang dapat mong gawin?
Walang iba kundi ang manahimik dahil ngayon ang magandang panahon para sa iyong self-reflection. Sa iyong pananahimik, makikita mo ang mga bagay na mali at positibo, kumbaga, ito ang tamang panahon para tingnan mo kung ano talaga ang makabubuti para sa iyo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo
del Mundo





Comments