Hirit ng mamamayan: Mabilis na WiFi na susuporta sa work from home law!

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Work from Home Law na makatutulong umano upang mabawasan ang pagsikip ng mga kalsada na resulta nang matinding trapik sa Metro Manila at ibang pang urban areas.
Dagdag pa rito, ang paglagda ni Pangulong Duterte sa nasabing batas ay pagkilala sa makabago at lumalaking bilang ng Filipino workforce.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, malaki ang maitutulong ng RA 11165 o Telecommuting Act sa sandaling maisakatuparan na ang full implementation ng batas.
Mabibigyan din aniya nito ng patas na trato ang mga empleyado ng pribadong sektor na ngayon ay maaari nang makapagtrabaho ng hindi umaalis ng kanilang bahay.
Pero, ang tanong, makatutulong kaya talaga ito na mabawasan ang matinding trapik na matagal nang iniinda ng mga Pilipino kung ang magtatrabaho sa kani-kanilang bahay ay aalis pa rin naman kung gugustuhin nila, lalo na at hawak na nila ang kanilang oras? ‘Yun lang!
Sa ngayon, ang higit na kailangan upang maging matagumpay ang nasabing batas ay ang tulong at disiplina ng bawat isa.
Gayunman, kung sa ibang usapan, malaki talaga ang maitutulong ng pagsasabatas ng Work from Home Law, lalo na sa mga single parent na kailangang kumita ng pera kasabay ng pag-aalaga nila sa kanilang mga anak.
Gayundin, mas mainam ang ganitong pamamaraan ng trabaho dahil bukod sa mababawasan ang trapik, praktikal at mas makapagbibigay tayo ng oras sa ating pamilya.
Dagdag pa rito, wala tayong masyadong iintindihin tulad ng susuotin, babauning pagkain, pakikisama at marami pang iba.
Samantala, may ilan sa atin ang nagagawa na ang ganitong paraan ng trabaho kaya alam nating subok na ito at hindi makapipigil sa pag-asenso natin bilang indibidwal.
Ngunit, ang hiling ng mamamayan sa mga kinauukulan, mabilis na WiFi ang kailangan para maging matagumpay ang ganitong pamamaraan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments