4 dedbol sa trike, van at motor
- Jeff Tumbado
- Jan 12, 2019
- 1 min read

APAT katao kabilang ang isang batang babae ang nasawi sa magkakahiwalay na aksidente sa kalsada sa San Mariano, Isabela.
Unang sinalpok ng traysikel ang motorsiklo na minamaneho ni Erickson Tagapan sa national highway na sakop ng Bgy. Minanga.
Nag-overtake umano ang traysikel kung saan natumbok nito ang kasalubong na motorsiklo kung saan sa tindi ng pagkakabangga ay tumilapon sa kalsada si Tagapan maging ang kanyang angkas na misis at apat na taong gulang nilang anak na babae.
Agad binawian ng buhay ang bata dahil sa tinamong head injury habang nasugatan ang kanyang mga magulang. Nagtamo rin ng sugat ang 3 menor-de-edad na pasahero ng tricycle.
Inaresto ang tricycle driver na si Erickson Maguddayao na sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.
Nakaparada naman sa national highway ng Bgy. San Pedro-San Pablo sa Aurora ang dalawang tricycle nang salpukin ito ng close van.
Nasawi ang mga driver na sina Danilo Ancheta at Manny Balaba, habang sugatan ang isang pasahero na si Rolly Wania Vino.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na nakaidlip umano ang driver ng van na si Gregorio Tolentino, 54, tubong Pampanga.
Hindi naman nasaktan ang 2 niyang pahinante. Huwebes ng umaga nang maaksidente rin ang 72-anyos na si Amante Co sa national highway ng Bgy. Ipil, Echague, Isabela.
Ayon sa pulisya, maaaring hindi napansin ng biktima ang mga palatandaan sa ginagawang kalsada kaya sumalpok ang kanyang motorsiklo sa naturang construction site.
Nadala pa si Co sa ospital pero, idineklara itong dead-on-arrival sa ospital.





Comments