Mga pulis bawal mag-goodtime sa bar, beerhouse at iba pang bahay-aliwan, mga misis happy!
- BULGAR

- Jan 11, 2019
- 2 min read
HAPPY NA ANG MGA MISIS KASI BAN NA SA BAHAY-ALIWAN ANG MISTER NILANG PARAK — Matapos sabihin ni P-Duterte na ayaw niyang makababalita na may mga pulis na umiinom ng alak sa mga pampublikong lugar, agad nagpalabas ng kautusan si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa lahat ng parak na bawal ng mag-goodtime sa mga night club, bar, beerhouse at iba pang bahay-aliwan.
Dahil sa direktibang ito ni Gen. Albayalde, sigurado, tuwang-tuwa ang misis ng mga pulis kasi hindi na makapangtsitsiks ang mga mister nilang parak, ha-ha-ha!
◘◘◘
GAMBLING LORD ‘JOJO BERNARDO’, WALANG TAKOT KAY P-DUTERTE?—Bukod sa jueteng, si alyas Jojo Bernardo rin daw ang may raket na lotteng at EZ-2 sa mga Lungsod ng Caloocan, Navotas at Valenzuela.
Aba, sobrang lakas naman ng loob ni “Jojo Bernardo” para kumpitensiyahin ang mga legal na pasugalan ng Duterte gov’t. tulad ng STL na tinapatan daw niya ng jueteng; lotto, tinapatan daw niya ng lotteng at pati operasyon ng EZ-2 ay ginaya na rin daw nito.
Tila yata walang takot si “Jojo Bernardo” sa idineklarang “war on illegal gambling” ni P-Duterte kaya pati ang mga legal na pasugalan ng gobyerno ay kinukumpitensiya nito, period!
◘◘◘
3 HEPE NA ‘NGANGA’ SA ‘WAR ON ILLEGAL GAMBLING’, BAKA MALINTIKAN KAY P-DUTERTE—Mahigit isang taon na raw nag-o-operate ang raket ni “Jojo Bernardo”, pero “nganga” lang daw dito sina Caloocan City Chief of Police Sr. Supt. Restituto Arcangel, Navotas City Chief of Police Supt. Ramchrisen Haveria at Valenzuela City Chief of Police Supt. David Nicolas Poklay.
Naku, kapag nalaman ni P-Duterte na parang binabalewala nina Sr. Supt. Arcanghel, Supt. Haveria at Supt. Poklay ang kanyang “war on illegal gambling”, malamang, malintikan sa pangulo ang tatlong hepe, abangan!
◘◘◘
PAYOLA SA PNP-REGION 3 AT CIDG-REGION 3 — Ang ibinibigay daw na payola ni “Kiros” bilang proteksiyon sa raket nitong drop balls at color games sa Angeles City ay P200K kina “Adarna” at “Abdul” na kapwa nagpapakilalang mga “tongpats” collector ng PNP-Region 3 at P100K weekly kay “Noy” na nagpapakilala namang “tongpats” collector ng CIDG-Region 3.
Kung totoo ito, eh, ‘yan palang payola ang dahilan kaya “untouchable” sa jurisdiction nina
PNP-Region 3 Director, C/Supt. Joel Coronel at CIDG-Region 3 Chief Sr.Supt. Christopher Abrahano ang raket ni “Kiros”, pwe!





Comments