Manila Bay ‘pag na-rehab, darami ang turista, lalago ang ekonomiya

GALIT lang sa mundo ang hindi bibilib sa gobyernong ito. Sa ipinakikita nitong tapang at lakas ng loob para talakayin ang mabibigat na problema ng bansa.
Nariyan ang kumplikadong problema ng iligal na droga na naging dahilan nang pagyabong ng kriminalidad at korupsiyon.
Hindi pa tapos ang labang ito sapagkat may hawak pa silang mga pulitiko, pulis at media. Ang mga korup ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga drug lord at dealer.
Unti-unti nang nabibisto ang mga taong ito na matagal nang nagbenta ng kanilang kaluluwa sa sindikato. Kaunting panahon, mahuhuli na ang lahat ng sangkot sa droga.
Ngayong pa lang, nakikita na ang resulta ng anti-illegal drug campaign ng gobyerno. Bumaba ang bilang ng krimen sa buong bansa.
Nabawasan na rin ang mga karumal-dumal na krimen (heinous crimes) tulad ng panggagahasa at pagpatay sa mga sanggol.
Kung hindi lang kumontra ang mga kaliwa at dilawan, matagal na sanang natapos ang problema ng droga.
Totoo kayang ayaw ng mga ito sa drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil mawawalan sila ng tagabigay ng pondo?
Huwag na kasing iniintindi ng gobyerno ang sabi-sabi ng mga kaaway nito. Estilong bulok ng mga destabilizer ang siraan ang gobyerno sa media para humina ito at makaagaw sila ng kapangyarihan.
Pipilitin nilang magkudeta o kaya mandaya sa eleksiyon. ‘Power-hungry’ talaga ang mga ito.
Mabuti na lang at matapang ang gobyerno na gawin ang mga programa na makabubuti sa mga Pilipino kahit maraming batikos mula sa mga destabilizer.
Halimbawa, ang paglinis sa Isla ng Boracay. Noong inanunsiyo ito ng Palasyo, ang daming umangal na mga kaliwa at dilawan kasama ang ilang oportunistang senador.
Kesyo marami raw mawawalan ng trabaho, babagsak ang ekonomiya ng Aklan, wala na raw pupuntang turista sa Boracay. Nangyari ba ang mga ito matapos ipasara ang isla ng anim na buwan? Hindi.
Gusto lang talagang kumontra ng mga panggulo. Bawat kilos ng gobyerno ay gusto nilang siraan. Alam kasi nilang ikukumpara ng taumbayan ang mga magagandang nangyayari ngayon sa kapalpakan ng dating dilawang administrasyon.
Napakalinis ng Boracay Island ngayon. Wala nang basura at hindi na amoy imburnal ang beach at bumalik na rin ang kaputian ng buhangin nito.
Ngayon, nililimita na ang bilang ng mga turista na maaaring makapunta rito at istrikto na rin sa bilang at kalidad ng maaaring itayong establisimyento.
Dapat lang dahil maliit na isla lang ito na hindi puwedeng walang kontrol ang bilang ng gusali at pumapasok na tao.
May ‘political will’ si P-Duterte kaya naging matagumpay ang paglilinis sa isla. Ngayon, mas malaking problema ang balak talakayin ng gobyerno niya — ang paglilinis ng napakaruming Manila Bay.
Kung mapalalakad lang tayo sa tabi ng Manila Bay ay maamoy natin ang masangsang na amoy imburnal.
Dumungaw tayo sa tubig-dagat at makikita natin ang tambak-tambak na basura na itinapon doon ng kung sinu-sino — mga tao at kumpanya na walang pakialam kung sirain ang kalikasan.
Magpapalabas na raw ng Executive Order si P-Duterte para opisyal na ipag-utos ang paglilinis ng Manila Bay, pero ngayon pa lang ay binalaan na niya ang mga hotel at iba pang gusali sa harap nito na kailangang may water treatment plants sila o ang paglilinis ng tubig sa loob ng gusali bago ito palabasin sa public sewer system.
“Lagyan ninyo ng water treatment ‘yang hotel ninyo ‘pag hindi, sasarhan ko ‘yan. Huwag ninyo akong hamunin,” sabi ni P-Duterte.
Handa na ang Department of Environment and Natural Resources sa ilalim ni Secretary Roy Cimatu sa rehabilitasyon ng Manila Bay simula ngayong buwan.
Napakalaking hamon ito para sa DENR, pero malaki ang kumpiyansa natin na kaya nila itong gawin. Ang DENR din kabilang ang Department of Interior and Local Government ang namuno sa paglilinis ng Boracay Island.
Mas malaking hamon ang Manila Bay dahil hindi lang ang baybaying-dagat sa Roxas Boulevard ang lilinisin kundi pati na rin ang mga ilog na nakakabit dito kabilang ang Pasig River at ang mga lumang estero na napakarumi at barado pa.
Hindi lang ‘yan, maraming mga pabrika, hotel at iba pang establisimyento ang patuloy na naglalabas ng kanilang dumi sa Manila Bay.
Lahat ng mga ito ay kailangang kausapin at hingan ng kanilang kooperasyon.
‘Yung mga ayaw makisama at maglinis ng kanilang dumi ay siguradong ipasasara ng gobyerno.
Binigyan na kayo ng warning. Gawin ninyo ang tama at sundin ang batas.
Kapag na-rehab ang Manila Bay, makikinabang din kayo at tataas ang halaga ng mga lupain sa paligid nito.
Darami rin ang turista at lalago ang ekonomiya kapag tuluyang nalinis na ang Manila Bay.





Comments