Mahusay na paglilingkod, ituro sa kabataan!

MATAPAT, may integridad at mahusay na serbisyo ang isa sa mahahalagang pangangailangan ng umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas.
Ito ang inaasahang maibigay at matang- gap ng isa’t isa, mapapubliko o pribadong sektor man nagtatrabaho.
Sinisikap ng mga lider o boss ng kumpanya o organisasyon na maging mabuting ehemplo ng paglilingkod para maimpluwensiyahan ang mga kabataan na tularan ito kapag dumating na ang panahon na sila ay mamumuno o magbibigay ng anumang serbisyo.
Sa mga paaralan ay kasama ngayon sa paghahanda ng mga guro ang kaalaman at kasanayan ng junior high school students sa sektor ng paglilingkod kung saan masusing pinag-aaralan ng mga estudyante ang pagkakaloob ng magandang paglilingkod sa mga konsiyumer.
Sa pagtatanong ng ilang guro sa mga estudyante kung ano ang nais nilang pagtuunan ng pokus pagtuntong ng kolehiyo, pinipili nila ang kursong may kaugnayan sa communications kung saan kabilang sa kurikulum nito ang radio at television broadcasting, internet, print media, advertising, information and communications technology at iba pa.
Nakatutuwang malaman ang kanilang opinyon na ang ganitong kurso raw ay mahalaga sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa upang mapabilis ang pakikipag-ugnayan ng mga tao.
Naniniwala sila na episyenteng serbisyo ang kailangan upang maayos na maiparating sa publiko ang mensahe, impormasyon at mga programa mula sa gobyerno.
Ipinaliliwanag ng mga guro sa Technology and Livelihood Education na ang mga Pilipino ay kilala sa galing sa linya ng komunikasyon kaya napipisil tayo ng mga dayuhan na magtrabaho sa kanilang lugar dahil nakikita nilang handa tayo sa mga gawain at likas na malikhain.
Bago maging senior high school ang mga estudyante ng Grade 10, mahusay na ipinauunawa ng kanilang guro ang suliranin tungkol sa sektor ng paglilingkod.
Ayon sa Department of (DepEd) at Commission of Higher Education (CHEd), kasama sa mga pagsubok na ito ay maraming manggagawang Pinoy ang nangingibang-bansa upang doon magtrabaho.
Kaya nagreresulta ng kakulangan ng mga trabahador o empleyado rito sa atin, mabagal na pag-unlad ng turismo, apektado ang kalagayan ng ekonomiya, personal na epekto at iba pa.
Higit sa lahat, ramdam ng mga publiko at pribadong organisasyon dito ang kakulangan sa bilang at kasanayan ng mga manggagawa.
Matapos bigyan ng takdang-aralin, nagbigay ng ilang suhestiyon ang junior at senior high school students para malutasan ang nasabing isyu.
Una, dapat daw masiguradong may sapat at nakahandang trabaho ang mga bagong graduate upang maiwasang mangibang-bansa.
Sumunod ay tangkilikin ang ating mga lokal na produkto at tandaan ang “Filipino First Policy”.
Alisin ang colonial mentality, mag-aral at magsikap nang mabuti upang makatulong sa produksiyon ng bansa.
Higit sa lahat ay magsipag at paunlarin ang sariling mga kasanayan.
Hinihikayat natin ang mga teacher mula junior, senior high school hanggang kolehiyo na patuloy na gabayan sa maliit o malaking paraan ang mga mag-aaral na isaisip at isapuso ang mahusay na serbisyo.
Sa mga kabataan, tandaan na nasa mga kamay ninyo ang kinabukasan ng ating bansa.
Habang nag-aaral pa, alamin na ang susi at pamamaraan sa mabuti at masayang paglilingkod sa iba.





Comments