Regulasyon sa VAT-free medicines, masusi sanang ipatupad ng gobyerno

SA wakas, tiyak na ang abot-kaya at mas murang gamot para sa mahihirap nating kababayan.
Nagpalabas na ng regulasyon ang gobyerno na nagpapatupad ng VAT exemption sa mga importanteng gamot para sa mga partikular na karamdaman.
Opisyal na itong ipinatupad noong Enero 1, 2019, base sa probisyong nakapaloob sa Republic Act 10963. Tinitiyak sa batas na magiging abot-kaya at madali nang makabibili ng mga kinakailangang gamot ang pasyente.
Ang Revenue Regulations No. 25-2018 na partikular na nagpapatupad ng VAT exemptions sa mga gamot para sa diabetes, high cholesterol at hypertension ay ipinalabas ng Bureau of Internal Revenue o BIR kamakailan at naging epektibo ngayong taon.
Kung noon, isinulong natin sa Senado ang pagbibigay ng VAT exemptions sa gamot ng ating senior citizens at PWDs at naisabatas, ngayon, dahil sa regulasyong ito hindi lang sila ang may VAT exemptions kundi lahat tayo. Makaaasa na tayo ng mas abot-kayang medisina.
Sa VAT exemption na ito, malaki ang natitipid ng pasyenteng may Type 2 diabetes na umiinom ng metformin dalawang beses sa isang araw. Halimbawa, ang gamot na ito ay nagkakahalagang P15 bawat isa, pero dahil may exemption, makapagtatabi na siya nang halos P1, 300 kada taon. Malaking bagay na ito dahil pandagdag-budget din ito ng isang simpleng pamilya.
Para mas maging abot-kaya pa ang medisina, may isinusulong tayong panukala sa Senado — ang Senate Bill 972 o Libreng Gamot Program. Sa ilalim ng programang ito, inaatasan ang lahat ng government health facilities na magkaloob ng libreng gamot sa lahat ng mahihirap nating kababayan.
Ang pagtulong sa kapwa nating kapos sa buhay, hindi natatapos sa isang batas lang na paborable sa kanila. Dapat patung-patong na benepisyo para matiyak na walang maiiwan sa kawalan.
Gayundin, uulitin natin ang ating panawagan sa mga kinauukulan — sana, masusing ipatupad ang batas na ito. Pairalin natin ang tama, pairalin natin ang awa at pagpapakatao.





Comments