PHL AZKALS, MAKAKABAWI KAYA SA TSINA, MATAPOS ILIGPIT NG SOKOR?

DUBAI – Hindi naging madali ang pagbubukas ng kampanya ng Timog Korea sa 2019 AFC Asian Cup kung saan nagtrabaho sila ng husto bago iligpit ang Pilipinas, 1-0, sa Al Maktoum Stadium Lunes ng gabi. Nanatiling matigas ang depensa ng mga Azkals bago napasok ni forward Hwang Ui Jo ang bola sa ika-67 minuto ng laro.
Kahit nakauna ang kalaban, hindi pa rin sumuko ang mga Filipino at ilang beses nagtangkang itabla ang laban sa pangunguna ni Javier Patino, Daisuke Sato at Patrick Reichelt ngunit kinapos ang kanilang mga sipa. Pinasok ni Coach Sven Goran Eriksson si Phil Younghusband sa ika-88 minuto subalit hindi rin ito nakabago sa timpla ng laro.
Nagpakita ng husay si goalkeeper Michael Falkesgaard upang maiwasan pang madagdagan ang goal ng mga Koreano. Kahit bigo, umani ng paghanga ang Azkals na unang beses nakalahok sa prestihiyosong torneo laban sa mga Taeguk Warriors na kampeon noong 1956 at 1960 at ilang beses na kumatawan sa Asya sa FIFA World Cup.
Sa ilalim ni Coach Eriksson, nagpakita ng kakaibang disiplina ang Azkals lalo na sa depensa. Nahirapang makalusot ang mga Koreano sa mga defender tulad ni Sato, Alvaro Silva, Stephan Palla at Luke Woodland.
Sa isa pang laro sa Grupo C na ginanap sa Al Ain, nanalo ang Tsina kontra sa Kyrgyzstan, 2-1, upang makibahagi sa mga Koreano para sa maagang kalamangan. Buwenamanong naka-goal ang Kyrgyz pero bumawi ang Tsina sa pamamagitan ng dalawang goal sa second half. Susubukan ng Azkals na bumawi sa susunod na laro laban sa Tsina ngayong Biyernes (Enero 11) sa Mohammed bin Zayed Stadium sa Abu Dhabi. Sisipa ang aksyon sa 9:30 p.m., oras sa Pilipinas.





Comments